Tinanggal na sa kanilang tungkulin at kinasuhan na ang 14 na miyembro ng Philippine National Police Drug Enforcement Group–Special Operations Unit (PDEG-SOU) matapos pumutok ang nakakayanig-loob na reklamo ng isang Grade 9 na estudyante na umano’y pinagsamantalahan at ninakawan pa ng ilang miyembro nito, sa gitna ng umano’y “palpak” na drug operation sa Bacoor City, Cavite.
Ayon sa mga ulat, kinilala ang biktima sa alyas “Nena,” 18 taong gulang, na nagreklamong bigla na lamang daw umanong pinasok ng mga pulis ang kanilang bahay noong Sabado, Nobyembre 22 habang tinutugis umano ang kaniyang boyfriend sa isang “buy-bust” operation.
Pero ayon umano sa imbestigasyon, lumabas na wala ring anumang dokumentadong operasyon, koordinasyon, o awtorisasyon ang grupo noong oras ng insidente.
Dahil sa bigat ng alegasyon, napaulat na agad na inalis sa puwesto ang mga inirereklamong pulis at inilagay sa restrictive custody, ayon kay PNP Chief Jose Melencio Nartatez.
Nagpakawala naman ng matinding pahayag ang National Police Commission (NAPOLCOM) matapos agarang magsagawa ng full-scale investigation tungkol sa isyu, noong Lunes, Nobyembre 24.
Ayon kay NAPOLCOM Chief Commissioner Ralph Calinisan, nagsagawa na sila ng independent probe nang hindi pa man lumalabas ang buong detalye sa publiko.
“We moved without delay,” saad ni Calinisan. “Even before the full details were released publicly, NAPOLCOM already deployed investigators to ensure that an impartial and thorough probe is conducted. We will not allow even a single day of inaction when the integrity of the police service is at stake.”
Hindi raw papayagang manatili sa serbisyo ang mga pulis na sangkot sa pang-iipit ng droga, pagnanakaw, at lalo na panghahalay.
“Mananagot ang dapat managot. Titiyakin ng NAPOLCOM na hindi ito malalampasan ng mga sangkot. Kasuklam-suklam ang ginawa nila, at sisiguraduhin nating tatamaan ang dapat tamaan," saad pa ni Calinisan.
Dahil dito, naghahanda na ang komisyon na magsampa ng administrative cases laban sa mga pulis na may grave misconduct at conduct unbecoming, na maaaring humantong sa tuluyang pagpapatalsik sa serbisyo.
PAGHAHAIN NG REKLAMO NI ALYAS NENA NGAYONG MARTES, NOBYEMBRE 25
Nitong Martes, Nobyembre 25, personal nang naghain ng reklamo ang tinedyer sa NAPOLCOM. Ayon sa ulat, ang inireklamo ng biktima ay isang tenyente pa.
Sinamahan si Nena ng kaniyang pinsan at kinakasama nito, na umano'y nakaranas din ng pagnanakaw sa mga inirereklamong pulis.
Ayon sa pulisya, isinailalim na sa medico-legal ang biktima at nakakuha na rin ng mga ebidensya sa crime scene.
Nitong Martes, Nobyembre 25, tuluyan nang sinampahan ng administrative case ang mga inirereklamong pulis.
”Harap harapan ko ng sinasabi, walang puwang ang panggagahasa, walang puwang ang pagnanakaw sa loob ng Philippine National Police. You will contend with the National Police Commission," ayon kay Calinisan.
"Walang puwang ang ganitong klaseng pulis sa ating mga hanay. The people need to trust in institutions, the NAPOLCOM is there for you. Ang pulis ng pulis ay ang NAPOLCOM. Pwedeng magsumbong ang kahit sinong biktima sa NAPOLCOM," dagdag pa niya.