January 24, 2026

Home BALITA Metro

Ilang sasakyan, inararo ng 10-wheeler truck sa Antipolo City

Ilang sasakyan, inararo ng 10-wheeler truck sa Antipolo City
contributed photo

Inararo ng isang  10-wheeler truck ang ilang sasakyan bago tuluyang bumangga sa poste ng kuryente sa Barangay Dela Paz, Antipolo City nitong Martes ng umaga, Nobyembre 25.

Kaagad na naisugod sa pagamutan ang limang biktima, na hindi kaagad nakuha ang pagkakakilanlan, ngunit tatlo sa kanila ang sinawimpalad na masawi, kabilang ang driver ng 10-wheeler truck at dalawang motorcycle rider.

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, bago mag-alas-9:00 ng umaga nang maganap ang aksidente sa Sumulong Highway sa Barangay Dela Paz.

Nauna rito, binabagtas umano ng 10-wheeler truck ang naturang lugar nang bigla na lang itong mawalan ng preno, sanhi upang araruhin ang tatlong motorsiklo, dalawang kotse at dalawang truck na nasa harapan at kasalubong nito, bago tuluyang bumangga sa isang post ng kuryente, na malapit sa gasolinahan.

Metro

Valenzuela City Councilor, sinita sa umano’y maluhong pamumuhay

Dead on arrival sa pagamutan ang isa sa mga motorcycle rider na nabangga ng biktima habang nasawi rin sa pagamutan ang driver ng 10-wheeler truck matapos na maipit sa driver’s seat, gayundin ang isa pang rider na naipit naman sa ilalim ng truck.

Kasalukuyan pa namang ginagamot sa Antipolo District Hospital ang dalawa pang biktima at nasa maayos na umanong kalagayan.

Lumilitaw na bago naganap ang aksidente ay patungo sana ang 10-wheeler truck, na may lulang buhangin, sa Antipolo proper, ngunit minalas na mawalan ito ng preno na nagresulta sa aksidente.