Iginiit ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na panggigipit umano sa kaniya ang dahilan sa pagkakansela ng Korte sa kaniyang pasaporte.
Ayon sa inilabas na video statement ni Roque sa kaniyang Facebook post noong Lunes, Nobyembre 24, sa The Hague, Netherlands, ipinaliwanag niyang hindi pa raw pinal na kanselado ang pasaporte niya at mayroon siyang 15 bilang ng mga araw para mag-file ng motion for reconsideration.
Sa tingin umano ni Roque, mali raw ang “reasoning” ng hukuman sa pagsasabing wala siyang balidong dahilan para umalis ng bansa at pag-iwas sa hurisdiksyon ng Korte laban sa kaniya.
“Ang right to seek asylum, ‘yan po ay isang karapatang pantao. ‘Yan po ay kinikilala sa International Covenant on Civil and Political Rights, kinikilala po ‘yan sa Universal Declaration of Human Rights, at kinikilala po ‘yan sa Convention on the Rights of Refugees and Asylum Seeker,” depensa ni Roque.
Dagdag pa ni Roque, karapatan daw niyang humingi ng asylum sa The Netherlands sa dahilang “panggigipit” sa kaniya sanhi ng politikal niyang paniniwala.
Paliwanag pa niya, nakahingi na raw siya noon pang Marso 19, 2025, ng asylum sa nasabing bansa sa dahilang ayaw niyang maging “undocumented alien subjected to immediate summary deportation.”
“Rerespetuhin naman po natin ang desisyon ng Korte at alam ko naman po na kinakailangan kong harapin ang panggigipit ng gobyernong ito…” saad niya.
Nagawa ring banggitin ni Roque ang mga pangalan nina dating House Speaker Pantaleon Alvarez, First Lady Liza Araneta-Marcos at Pangulong Bongbong Marcos.
“Sang-ayon sa aking mga kaklase diyan sa Kamara, ako talaga ay gustong pulbusin ni Speaker Alvarez, ni Liza Araneta-Marcos, at ni Bongbong Marcos dahil ako ang sinisisi sa polvoron video kung saan ipinakita, in no certain terms, na sumisinghot ng cocaine si President Marcos, Jr.,” ayon kay Roque.
Pagpapatuloy pa ni Roque, wala raw mga ebidensyang ipinakita sa kaniya kaugnay sa mga kasong ibinato sa kaniya noon.
“‘Yan po ay panggigipit sa akin dahil wala pong ebidensya na ako ay nag-recruit ng kahit sino para pagsamantalahan ang kanilang trabaho Wala rin pong ipinakitang ebidensya na ako po’y nakikipagsabwatan sa ganiyang pag-recruitment,” aniya.
“Wala po talagang ebidensya na ginamit ang mga kapulisan… ‘yong pagsama ko kay Cassandra Ong para sa rescheduling of payments sa PAGCOR… ‘yongpag-represent ko sa Whirlwind Corporation para nga po sa kasong ejectment tapos hanggang ngayon ay nakabinbin sa hukuman,” paglilinaw pa niya.
Pagdidiin pa ni Roque, wala raw kahit na anong krimen siyang ginawa noon at iyon ay mga trabahong pang-abogado lamang.
Kaugnay nito, matatandaang opisyal nang kinansela ng Pasig City Regional Trial Court ang pasaporte nina Roque, Katherine Cassandra Li Ong, mga ehekutibo ng Technology Resource Center na sina Dennis Cunanan, Ronelyn Baterna, at Mercides Macabasa noon ding Lunes, Nobyembre 24, 2025.
Nahaharap umano ang mga nabanggit na indibidwal sa kasong human trafficking na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operator (Pogo) hub Lucky South 99 at Whirlwind Corporation.
Mc Vincent MIrabuna/Balita