December 16, 2025

Home BALITA Probinsya

Cebu Province, nakatanggap ng 30 modular homes mula sa Fujian, China

Cebu Province, nakatanggap ng 30 modular homes mula sa Fujian, China
Photo courtesy: Cebu Province/FB


Nakatanggap ang Cebu Province ng donasyong 30 modular houses mula sa Province of Fujian sa China, bilang tulong sa mga residenteng lubos na naapektuhan ng mga kalamidad sa lalawigan.

Sa ibinahaging social media post ng Cebu Province nitong Martes, Nobyembre 25, makikitang tinanggap ni Cebu Governor Pam Baricuatro ang isang deed of donation, na nilagdaan ni Chinese Consul General ng Cebu na si Zhang Zhen bilang representative ng Fujian, China.

Ayon kay Zhang Zhen, ito raw ay ang “kapatiran” sa pagitan ng Cebu at Fujian.

“This is sisterhood in action,” saad ni Zhang Zhen kay Gov. Baricuatro.

Inihayag din ng Cebu Province sa naturang social media post ang pagpapaliwanag ng dating pangulo ng Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry – Cebu Chapter na si Vicente Lu sa kung ano nga ba ang modular homes at kung ano ang nilalaman nito.

“A modular house is a prefabricated home built in factory-made sections—called modules—and assembled on-site on a permanent foundation. These modules use the same materials and building techniques as traditional homes,” ani Lu.

“Once completed, a modular house is virtually indistinguishable from a conventional home in appearance, stability, and durability,” saad pa nito.

Inaasahang pormal na maipadadala sa lalawigan ang mga modular homes sa mga susunod na araw.

Ayon pa sa Cebu Province, inaalam pa nila kung sino-sino ang mga magiging benepisyaryo ng naturang donasyon—ngunit binigyang-diin nilang sila ay pipili sa mga residenteng nasiraan o nawalan ng bahay dulot ng mga nagdaang kalamidad.

Matatandaang nag-donate din kamakailan ang Chinese Consulate ng ₱10.5M sa Cebu hospitals na lubhang naapektuhan ng mga bagyo at lindol.

MAKI-BALITA: Chinese Consulate, nag-donate ng ₱10.5M sa Cebu hospitals para sa mga biktima ng lindol-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA