Nanindigan si Cavite 4th District Rep. Kiko "Congressmeow" Barzaga na tila may nakaumang na umano'y plano para patalsikin siya sa Kamara, kasabay ng patuloy na pagdinig ng House Committee on Ethics sa impeachment complaint na inihain laban sa kaniya.
Sa panayam ng isang TV program, sinabi ni Barzaga na kapansin-pansin umano ang bilis ng pag-usad ng mga pagdinig. Aniya, kung hindi raw siya mapapaalis sa Kamara ngayong Nobyembre, baka raw sa Disyembre ito gawin bago matapos ang 2025.
“They want to finish it (hearings) before session adjourns in December,” ayon kay Barzaga, na nagdududa sa intensyon sa likod ng naturang pagmamamadali.
Nag-ugat ang reklamo sa umano’y “lewd content” na konektado sa social media account ng kongresista, gayundin sa iba pang mga pahayag na binitiwan niya sa mga nagdaang isyu.
Kaugnay na Balita: 'I will defeat them!' Barzaga, haharapin umano'y ethics complaint ng Lakas-CMD
Patuloy ding iginiit ni Barzaga na handa siyang harapin ang Ethics Committee at ipakita na wala siyang nilabag na batas o anumang alituntunin ng Kamara.
Sa kaniyang social media accounts, tahasan niyang inakusahan si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na umano'y nasa likod ng pagpapatalsik sa kaniya sa House of Representatives.
"Sobrang excited naman si Marcos na tanggalin ako sa Kongreso, eh si Sandro Marcos at Romualdez na bilyon-bilyon ang ninakaw?" pasaring na tanong niya.
Photo courtesy: Screenshot from Kiko Barzaga/FB