Handa na ba ang mga susuotin na pamaskong damit at sapatos? 30 tulog na lang, Pasko na!
Sa bansang kinikilala sa pagkakaroon ng “longest Christmas celebration” sa buong mundo, nakaukit na sa kultura ng Pilipinas ang kutitap ng mga ilaw sa bawat bahay, establisyimento, at mga parke pagtungtong pa lang ng “ber” months.
Kasama rin dito ang pagpasyal sa mga Christmas festival, Christmas on display (C.O.D), at Christmas village, na taon-taon dinadagsa ng pamilyang Pinoy.
Kaya narito ang ilan sa mga tradisyunal at bagong “Christmas sights” na dinadayo tuwing panahon ng Kapaskuhan:
Christmas on Display (Cubao)
Kilala rin bilang “C.O.D Department Store,” ang animated Christmas show na ito ay “OG” ng batang 80s at 90s dahil sa pagdagsa ng mga pamilya para panoorin ang paggalaw life-sized mannequins para gunitain ang kapanganakan ni Kristo, na puso ng Paskong Pinoy.
Photo courtesy: MB
Opisyal nang sinalubong ng Araneta City ang Kapaskuhan sa kanilang naging Christmas Tree Lighting noong Nobyembre 6, at ayon sa website nila mapapanood ang COD simula Nobyembre hanggang Enero 2026, mula 6:00 PM hanggang 11:00 pm.
Photo courtesy: Araneta City (FB)
Christmas Village (Policarpio St., Mandaluyong)
Sa labas ng mga naglalakihang mall, ang Policarpio St. sa Mandaluyong ay dinarayo dahil sa mga bahay na nagniningning sa kutitap ng Christmas lights.
Bukod sa mga ilaw, makikita rin sa mga kabahayan ang mga higanteng parol at Christmas statues tulad ng belen at Santa Claus.
Sa kasalukuyan, makikita na ang mga kutitap ng makukulay na bahay sa Policarpio St.
Photo courtesy: Juzel Danganan/PNA
UP Lantern Parade (Quezon City)
Isa pa sa “Christmas sights” na dinadayo ay ang Lantern Parade sa University of the Philippines-Diliman (UPD), kung saan, ipinaparada ang makukulay at malalaki na Christmas-themed floats.
Ayon sa academic calendar ng UP para sa school year 2025-2026, gaganapin ang lantern parade sa Disyembre 17.
Photo courtesy: Joan Bondoc/PNA
Paskotitap (Pasig)
Sa taunang paradang ito, ipinapakita ang iba’t ibang makulay na Christmas floats ng iba’t ibang institusyon at eskwelahan sa lungsod.
Ang Paskotitap ay proyekto ng Rotary Club of Mutya ng Pasig at Ortigas group of Companies sa tulong ng ilang paaralan, mga barangay, at opisyal ng Pasig City.
Ayon sa lungsod ng bid bulletin ng Pasig City, gaganapin ang Paskotitap 2025 sa Disyembre 13.
Photo courtesy: Pasig City (website)
Giant Lantern Festival (Pampanga)
Tinatawag ding “Ligligan Parul,” ang festival na ito ay taon-taong ginagawa sa San Fernando, Pampanga mula Disyembre 17 hanggang Enero 1 ng susunod na taon.
Pumaparada dito ang malalaking Christmas lanterns na may libo-libong dancing lights, na entry ng mga barangay sa probinsya.
Ayon sa Facebook page ng Philippine Information Agency (PIA) Gitnang Luzon, gaganapin sa Disyembre 13 ang Giant Lantern Festival 2025.
Photo courtesy: Giant Lantern Festivals (Facebook)
Maytinis Festival (Cavite)
Isa pa sa mga inaabangan tuwing Kapaskuhan ay ang “Maytinis Festival” sa Kawit, Cavite, kung saan, ipinaparada ang Christmas floats na depiksyon ng ilang tao sa Bibliya tulad nina Adan at Eba, ang pitong arkanghel, Abraham, at Haring David.
Habang wala pang inilalabas na schedule ang Facebook page ng Maytinis para sa taong ito, kadalasang isinasagawa ang pagdiriwang na ito tuwing Disyembre 24.
Photo courtesy: Province of Cavite (website)
Casa Santa (Antipolo)
Ang Casa Santa ay isa sa highlights ng Jardin de Miramar sa Antipolo, kung saan, higit 3,700 Christmas at Santa Claus-themed items ang makikita rito na mula pa iba’t ibang parte ng mundo.
Bukod dito, mayroon ding souvenirs na puwedeng iuwi ang mga bisita tulad ng “SANTA-ko” rag doll, mga t-shirt, keychain, at fridge magnets.
Nagbukas na muli ang Casa Santa Museum simula pa noong Oktubre 1.
Photo courtesy: Casa Santa Museum (FB)
Sean Antonio/BALITA