Naniniwala si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na gumagamit umano ng ibang pasaporte si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Sa isinagawang press conference nitong Lunes, Nobyembre 24, inusisa si Remulla kung bakit natatagalang arestuhin ang dating kongresista.
“We believe he is travelling with another passport. We do not know if he is using another name So bine-verify pa namin, e,” saad ni Remulla.
Dagdag pa niya, “The red notice can be out and then we will further determine kung nasaan talaga siya. “
Ito ay matapos ilabas ang mugshots ng walong indibidwal na sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Tiniyak naman ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon na simula pa lang ang hakbang na ito tungo sa tuluyang pagpapanagot sa mga sangkot sa nasabing katiwalian.
“Nandito na po tayo sa punto na mananagot na po lahat ng mga dapat managot pero umpisa pa lang po ito,” aniya.
Maki-Balita: Dizon sa pagkaaresto ng 8 sangkot sa maanomalyang flood control projects: 'Umpisa pa lang ito!'
Matatandaang pinuntahan na kamakailan ng Taguig City Police station ang isang condo ni Co upang isilbi ang warrant of arrest laban sa kaniya.
Ngunit kalaunan, kinumpirma ng naka-duty na manager ng nasabing gusali at security manager na matagal na umanong wala roon si Zaldy Co at mahigit isang buwan nang nakaselyo ang pinto ng nasabing condo unit.
Maki-Balita: 'Walang tao?' Arrest warrant, isinilbi ng pulisya sa condo ni Zaldy Co sa Taguig