Nagbigay ng reaksiyon at komento si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. tungkol sa mga naging pasabog laban sa kaniya ng kapatid na si Sen. Imee Marcos, sa naganap na ikalawa at huling araw ng "Rally for Transparency for a Better Democracy" ng Iglesia ni Cristo (INC) noong Nobyembre 17, na ginanap sa Quirino Grandstand, Rizal Park, Maynila.
Sa isinagawang press conference ng Pangulo kaugnay sa website o online portal kung saan puwede nang ma-access ang mga detalye tungkol sa flood control projects at iba pang infrastructure project ng pamahalaan, natanong si PBBM ng isang miyembro ng media kung ano ang naramdaman ng Pangulo sa mga naging alegasyon sa kaniya ng ateng si Sen. Imee, hinggil sa paggamit niya ng droga at ng kaniyang pamilya, at kung paano raw niya ito ipaliliwanag sa publiko.
Kaugnay na Balita: Sen. Imee Marcos, nilantad sa INC rally na ‘gumagamit’ diumano ng droga si PBBM
Ayon kay PBBM, ayaw daw niyang pag-usapan ang "family matters" at "dirty linen" sa publiko.
"I do not like, we do not like to show our dirty linen in public. But so, I'll just say this much. For a while now, we've been very worried about my sister. When I say we, I'm talking about friends and family."
Aniya pa, tila hindi raw ang kaniyang kapatid na si Imee ang nakikita ng publiko sa telebisyon, at hangad niyang bumuti raw ang lagay nito sa lalong madaling panahon.
"And the reason that is because the lady that you see talking on TV is not my sister. And that view is shared by cousins, our friends, hindi siya 'yan... anong... hindi siya 'yan, so that's why we worry. We are very worried about that. I hope she [gets]... I hope she feels better soon," saad pa ni PBBM.
Nang tanungin siya kung nagkausap na ba sila matapos ang nabanggit na matitinding akusasyon laban sa kaniya, "We don't really... we no longer travel in the same circles, political or otherwise, so no," saad ng Pangulo.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Sen. Imee tungkol sa isyu.