Isiniwalat ni dating Ako Bicol Partylist Zaldy Co na sinabi umano sa kaniya ni Leyte Representative at dating House Speaker Martin Romualdez na hati raw ito at si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa mga perang inihatid noon sa kanila.
Ayon sa bagong video statement na isinapubliko ni Co sa kaniyang Facebook post nitong Lunes, Nobyembre 24, ikinuwento niya ang naging simula ng umano’y paghahatid nila ng mga maletang naglalaman ng pera sa bahay ni Romualdez noong 2022.
“Noong 2022, kakaupo ko pa lang bilang chairman ng House Committee on Appropriations, sinabi na agad sa akin ni Speaker Romualdez na kailangan kong makapag-deliver ng ₱2 billion kada-buwan,” pagsisimula ni Co.
Pagpapatuloy niya, nagsimula daw iyon sa paglapit sa kaniya ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Roberto Bernardo at pagpunta sa opisina niya ni dating DPWH District Engineer Henry Alcantara.
“Makalipas ang ilang araw, tumawag sa akin si Usec. Bernardo. Sabi niya, kailangan ng tulong ng Bulacan sa problema nila sa baha,” aniya.
“Pinapunta niya sa opisina ko sa Kongreso si DPWH District Engineer Henry Alcantara. Sa naging meeting namin ni Alcantara, siya mismo ang nag-offer kung paano ang hatian sa mga proyekto ng DPWH.”
“22 percent para kay Speaker Martin Romualdez, two percent para kay Usec. Bernardo, at one percent para sa kaniya [Alcantara]. Doon po nagsimula ang tinatawag nilang deliveries,” paliwanag niya.
Ani Co, mga tauhan daw niya at ni Alcantara ang nagsasagawa ng operasyon sa paghahatid ng umano’y mga maletang naglalaman ng pera patungo sa bahay ni Romualdez.
“Ang mga tao ni Henry Alcantara ang nakikipag-ugnayan sa mga tao ko ba sina Paul Estrada at Mark… Sila ang tumatanggap ng pera mula sa mga tao ni Alcantara,” pagkukuwento niya.
“Pagkatapos nilang makuha ang pera, sina Mark at Paul naman ang nag-aayos o nakikipag-coordinate sa tauhan ni Speaker Martin Romualdez… para sa pagde-deliver ng male-maletang pera patungo sa bahay ni Speaker,” paglilinaw pa niya.
Giit naman ni Co, hindi raw siya nakikialam sa proseso ng paghahatid ng mga nasabing maleta na dadalhin umano sa bahay ni Romualdez at tagakumpirma lamang siya kung naihatid ng maayos ang mga iyon sa umano’y bahay ng dating House speaker.
“Gusto ko pong linawin, hindi ako nakikialam sa mismong proseso ng paghahatid. Dumaan lang po sa akin ang pera na agad dini-deliver kay Speaker Martin Romualdez. Ako lang po ang nagco-confirm sa text kay Speaker kapag nadala na ang pera sa bahay niya,” ani Co.
“Lahat ng ito, mula sa unang utos noong 2022 hanggang sa huling delivery noong 2025. Umabot sa mahigit ₱55 billion plus ang naihatid sa bahay ni dating Speaker Martin Romualdez…” pagtitiyak pa niya.
Dagdag pa ni Co, nasabi rin daw noon sa kaniya ni Romualdez na ito at ang Pangulo raw ang naghahati sa mga perang umano’y hinatid nila noon.
“Ang sinabi mismo ni Speaker Martin sa akin na hati sila ni Pangulong Marcos sa perang iyon,” pagtatapos pa niya.
Samantala, wala pa naman inilalabas na pahayag si Romualdez kaugnay rito.
MAKI-BALITA: Pasabog ni Zaldy Co: 'Papalabasing ako'y terorista sa loob at labas ng bansa para ilibing katotohanan’
MAKI-BALITA: Zaldy Co, nanlaglag na? PBBM, nag-utos umano na mag-insert ng ₱100B sa 2025 budget
Mc Vincent Mirabuna/Balita