Ibinahagi sa publiko ng Commission on Election (Comelec) na nakapagpadala na raw sila ng show cause order kay Sen. Rodante Marcoleta upang makapagpaliwanag kaugnay sa alegasyon ng hindi nadeklarang donasyon sa kaniya noong 2025 national election.
Ayon sa mga ulat, ipinahayag sa publiko ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia nitong Lunes, Nobyembre 24, na nakapag-issue na raw sila ng show cause order kay Marcoleta noon pang Biyernes, Nobyembre 21, 2025.
Ani Garcia, mayroon umanong 10 araw si Marcoleta upang ipaliwanag ang mga umano’y “discrepancy” ng kaniyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) at inilabas na statement of assets, liabilities, and net worth (SALN).
“No’ng Friday na-issue na [ang] show cause order para [sa] paliwanag niya tungkol sa discrepancy na nakita sa SALN at SOCE,” saad ni Garcia.
Ngunit paglilinaw ni Garcia, layunin lang nilang marinig ang paliwanag ni Marcoleta kaugnay rito.
“Again, pinagpapaliwanag pa lang naman,” giit pa niya.
Kaugnay nito, matatandaang ipinaliwanag na rin noon ni Marcoleta sa naging panayam sa kaniya ng NET 25 ang dahilan kung bakit idineklara niyang wala siyang natanggap na anomang kontribusyon noon sa kaniyang pangangampanya sa Mayo 2025 national election at gumastos ng aabot sa ₱112 milyon.
Sa kabila nito, tila hindi naman tugma ang idineklara niyang ₱51.96 milyon sa kaniyang SALN.
“Ang mga kaibigan ko, nagbigay sa akin talaga. Alam mo pakiusap lang nila? Isa lang. Tanggapin mo ang tulong namin sa iyo...Tanggapin mo ang halagang ito. Isa lang ang pakiusap nila sa akin, sana huwag mo na kaming i-disclose ang identity,” ani Marcoleta.
“Ngayon dahil sa hindi ko puwedeng isiwalat ang kanilang identity, kaya sinabi kong zero ‘yong contribution, na mapipilitan ako ngayon na gawing zero iyon. Dahil kapag nilagyan ko ng amount iyon, mapipilitan akong na isa-isa kayong idi-disclose ko ang inyong identity,” paliwanag pa niya.
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag si Marcoleta kaugnay sa sinabi ni Garcia tungkol sa 10 araw na ibinigay sa kaniya upang makapagpaliwanag sa nasabing ahensya.
Mc Vincent Mirabuna/Balita