December 12, 2025

Home BALITA National

PBBM sa arrest warrant laban kina Co, iba pa: '7 hawak na ng pulis, 2 susuko, 7 di pa nahuhuli!'

PBBM sa arrest warrant laban kina Co, iba pa: '7 hawak na ng pulis, 2 susuko, 7 di pa nahuhuli!'
Photo courtesy: Pangulong Bongbong Marcos (FB), RTVM (YT)

Muling naglabas ng bagong ulat si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., tungkol sa mga indibidwal na tinutugis na ng awtoridad kaugnay sa umano’y maanomalyang flood-control projects. 

Ayon sa inilabas na bagong video statement ng Pangulo sa kaniyang Facebook post nitong Lunes, Nobyembre 24, isinapubliko ni PBBM ang bilang ng mga umano’y sangkot sa flood-control anomalies na nasa kustodiya na ngayon ng awtoridad. 

“Pito na po sa mga indibidwal na may warrant of arrest sa Sandiganbayan kaugnay sa [flood-control anomalies] ang nasa kustodiya na ng ating mga awtoridad,” aniya. 

Paliwanag ng Pangulo, anim ang sumukong mga indibidwal sa Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) habang isa naman ang naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI). 

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

“Isa naman sa kanila ang inaresto ng NBI at anim naman ay boluntaryong sumuko sa CIDG. Mayroon ding dalawang akusado na nagpahayag ng intensyon na sumuko at susundin na ang PNP - CIDG,” paglilinaw niya. 

Ani PBBM, wala raw “special treatment” ang mga akusado at mananatili sila sa kustodiya ng NBI habang wala pang inilalabas na utos ang Korte Suprema. 

“Wala pong mga special treatment itong mga ito. Mananatili sila sa kustodiya ng NBI habang inaantay ang utos ng Korte,” ‘ika niya. 

Pag-uulit niya, “sa tatlong warrant at labing-anim (16) na pangalan, pito na ang hawak ng ating awtoridad. Dalawa [ang] susuko na. Pito ang nananatiling at large at kasama na diyan si Zaldy Co.” 

Nagbigay naman ng mensahe si PBBM para sa pito (7) pang indibidwal na umano’y hindi pa sumusuko sa mga awtoridad.

“Sa lahat ng natitirang akusado, ang aking payo sa inyo ay sumuko na kayo. Huwag n’yo nang hantayin na hahabol-habulin pa kayo,” pagdidiin ng Pangulo. 

Kaugnay nito, matatandaang kinumpirma mismo ni PBBM na mayroon nang warrant of arrest ang Office of the Ombudsman laban kay Co at 17 iba pang mga indibidwal noong Biyernes, Nobyembre 21, 2025. 

MAKI-BALITA: 'Huwag nang patagalin pa!' PBBM, pinabibilisan na pag-aresto kina Co, atbp.

“Nais kong i-report na ang Ombudsman, pormal nang naghain ng kaso laban kina Zaldy Co at iba pang labingpitong indibidwal batay sa mga ebidensyang inakyat ng ICI at ng DPWH,” aniya.

“Hindi po ito haka-haka, hindi po ito kuwento, ito po ay tunay na ebidensya,” giit pa niya.

Pagpapatuloy pa ni PBBM, tiyak daw niyang ipapatupad na ng mga awtoridad ang warrant of arrest laban sa mga indibidwal na nasampahan ng kaso ng Ombudsman.

“Ang susunod na hakbang, wala nang paligoy-ligoy pa, ang ating mga awtoridad ay syempre ipapatupad na nila itong mga arrest warrant na ito,” saad niya. 

MAKI-BALITA: Dizon sa pagkaaresto ng 8 sangkot sa maanomalyang flood control projects: 'Umpisa pa lang ito!'

MAKI-BALITA: 'We will find you!' Mensahe ni DILG Sec. Remulla, sa mga nagtatagong akusado sa flood control

MAKI-BALITA: Zaldy Co, nanlaglag na? PBBM, nag-utos umano na mag-insert ng ₱100B sa 2025 budget

Mc Vincent Mirabuna/Balita