Muling naglabas ng kaniyang pahayag si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co tungkol sa bilyon-bilyong umano’y insertion sa national budget na kaugnay umano kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at Leyte Representative at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon sa video statement na isinapubliko ni Co sa kaniyang Facebook post nitong Lunes, Nobyembre 24, sinabi niyang hindi pa rin daw siya makauwi sa bansa dahil sa mga pagbabanta sa buhay niya.
“Alam kong hindi madali ang mga paksang ito. Mabibigat at mahirap tanggapin,” pagsisimula niya, “hindi po ako makauwi dahil malaki ang banta sa buhay ko.”
Ani Co, papalabasin diumano ng administrasyon ng bansa na isa siyang terorista upang “ilibing” ang katotohanan.
“Ngayon naman ay mayroon kaming natanggap na balita. Papalabasin ng administrasyon na ako ay isang terorista sa loob at labas ng Pilipinas para mailibing ako kasama ang katotohanan kahit saan man ako pumunta,” pagbabahagi niya.
Dagdag pa niya, “pero mahalagang malaman ng taumbayan ang katotohanan. Taos-puso akong nagpapasalamat sa inyong pakikinig.”
Pinabulaanan din ni Co sa naturang niyang pahayag ang umano’y ₱21 billion na napunta sa kaniya.
“Sinasabi ng ICI at ni Henry Alcantara na ₱21 billion daw ang napunta sa akin. Hindi po totoo iyon. Wala akong natanggap na ganiyang halaga,” giit niya.
Pagpapatuloy ni Co, mayroon pa raw sila kabuuang ₱56 billion na inihatid kina Romualdez at PBBM bukod sa nauna na niyang isiniwalat na ₱100 billion insertion noon at ₱97 billion insertion ng mga nabanggit sa National Expenditure Program (NEP) national budget.
“Ang totoo, mula 2022 hanggang 2025, ang kabuuang pera na dumaan sa akin para ibigay kay Pangulong Bongbong Marcos at dating Speaker Martin Romualdez ay umabot sa ₱56 billion at hiwalay pa diyan ang ₱100 billion insertion ng Pangulo sa 2025 budget. Pati na rin ang ₱97 billion flood-control insertion na inilagay sa NEP ng 2026 national budget,” pagtatapos pa ni Co.
Matatandaang unang naglabas ng pahayag si Co sa tahasan niyang pagsisiwalat na nag-utos diumano si PBBM na mag-insert ng ₱100 bilyon sa 2025 national budget sa kaniyang Facebook post noong Nobyembre 14, 2025.
MAKI-BALITA: Zaldy Co, nanlaglag na? PBBM, nag-utos umano na mag-insert ng ₱100B sa 2025 budget
“Nagsimula ito no'ng tumawag si [DBM] Sec. Amenah Pangandaman sa akin no'ng nag-umpisa ang bicam process last year 2024. Ang sabi niya katatapos lang ng meeting nila ni Pangulo at may instructions na mag-insert o magpasok ng ₱100-billion worth of projects sa bicam,” saad ni Co.
Bukod dito, isiniwalat din ni Co na si Romualdez umano ang nag-utos sa kaniya na manatili sa ibang bansa at huwag bumalik ng Pilipinas.
MAKI-BALITA: Sec. Pangandaman sa akusasyon ni Co: 'The bicam is purely under the power of legislature'
MAKI-BALITA: Zaldy Co, inilabas mga resibo ng mga maletang hinatid umano kina PBBM, ex-HS Romualdez
MAKI-BALITA: Zaldy Co hinamon Senado, imbestigahan umano'y ₱100B insertion ni PBBM
Mc Vincent Mirabuna/Balita