Nanindigan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kanilang pagtutol na ibaba ang minimum age of criminal responsibility (MACR) kasabay ng Juvenile Justice and Consciousness Week.
Ang Juvenile Justice and Consciousness Week ay nagsimula noong Nobyembre 24 at magtatagal hanggang Nobyembre 28, 2025.
Kasama ang Juvenile Justice and Welfare Council (JJWC), iginiit ni DSWD Assistant Secretary Zabedin Azis na hindi sila naniniwalang ang pagpapababa sa age of criminal responsibility ang siyang solusyon sa mga krimen sa bansa.
"Together with the JJWC [Juvenile Justice and Welfare Council], the DSWD firmly believes that lowering the minimum age of criminal responsibility is not the solution," ani Azis.
Paniniguro pa ni Azis, ang lahat daw ng mga bata, kagaya ng nakakarami ay dapat mabigyan din ng pangalawang pagkakataon.
"We will ensure that no child is left behind and that every child who has come in conflict with the law, as well as those who have been victims of violence, is given a second chance and hope for a brighter future," anang DSWD ASEC.
Matatandaang si Sen. Robin Padilla ang nagsusulong ng panukalang-batas sa Senado na pababain ang edad ng criminal liability sa bansa mula 15-anyos patungong 10 taong gulang para sa mga itinuturing na heinous crimes.