Naglabas ng opisyal na pahayag sa social media ang Miss Universe Organization (MUO) President na si Raul Rocha matapos kumalat ang akusasyong dayaan umano sa resulta ng katatapos lamang na pageant, kung saan kinoronahan si Miss Mexico Fatima Bosch bilang Miss Universe 2025.
Una nang nag-post si Rocha ng tatlong bahagi ng pahayag sa Instagram kung saan binigyang-diin niya ang mga hamon at sitwasyong nagaganap sa likod ng entablado.
Aniya ang 20 araw na magkakasamang pamumuhay at 24 oras kada araw ay nagbunga raw ng samu’t saring sitwasyon kung saan dapat mangibabaw ang disiplina, responsibilidad, propesyonalismo, kapatiran, at serbisyong walang hinihinging kapalit—lalo na ang katapatan sa kapwa kandidata. Idinagdag niyang hindi lubos nasasalamin sa tatlong oras na palabas ang lahat ng katangiang dapat taglayin ng isang Miss Universe queen.
WALANG NAG-RESIGN NA JUDGE!
Sa ikalawang bahagi ng kanIyang pahayag, diretsahang iginiit ni Rocha: “The only truth that stands is that no judge resigned.”
Tinawag niyang “oportunista” ang isang musikero na nagsabing siya ay nagbitiw bilang judge, at sinabing sinamantala umano nito ang Miss Universe upang makakuha ng atensyon at followers.
Binigyang-linaw din niya na ang iba pang dalawang judges na napaulat na nag-resign ay hindi totoong nagbitiw.
Ayon pa kay Rocha, ang “lahat ng circus” tungkol sa diumano’y collective resignation ay gawa-gawa lamang ng “pseudo-musician” para sa sariling kapakinabangan.
Kasunod nito, nag-post si Rocha ng mga dokumentong naglalahad kung paano siya nagmamay-ari ng 50% ng MUO.
WALANG RELASYON KAY FATIMA BOSCH!
Sa pamamagitan ng isang dokumentong orihinal na nakasulat sa Mexican Spanish at isinalin sa English, nilinaw niyang noong panahon ng bidding process, wala siyang anumang ugnayan—direkta man o hindi—sa sinumang miyembro o opisyal ng MUO, at lalong hindi sa pamilya Bosch.
Sa kabuuan ng kanyang mga pahayag, hindi binanggit ni Rocha ang pangalan ni Omar Harfouch, ang French-Lebanese musician na unang nagbato ng alegasyong “rigged” ang resulta at nagsabing may negosyo umano si Rocha kasama ang ama ni Fatima Bosch.
Dalawang araw bago ang coronation night, inanunsyo ni Harfouch sa social media ang kanyang umano’y pagbibitiw bilang judge.
Samantala, nag-post din si French football manager Claude Makélélé na hindi siya makakadalo sa finale dahil sa personal na kadahilanan.
Kaugnay na Balita: ‘Alam na agad sino panalo?’ Resigned MU 2025 judge, binansagang ‘fake winner’ si Miss Mexico
Kaugnay na Balita: Omar Harfouch pasabog ulit, ibinalandra pic nina Miss Mexico, Raul Rocha!