Iminumungkahi ang pag-alis ng indigency requirement sa itinutulak na House Bill No. 1296 o “Universal Social Pension Act” para sa lahat ng senior citizens, anuman ang estado nila sa buhay.
Layon ng HB 1296 na amyendahan ang Republic Act No. 9994 o ang “Expanded Senior Citizens Act of 2010” na nagre-require ng indigency bago matanggap ng seniors ang kanilang buwanang pensyon.
Sa ilalim rin ng kasalukuyang batas na ito, ang indigent seniors o ang mga wala lamang regular na kita o sapat na suporta ang kinikilalang makakakuha ng ₱1,000 allowance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa pamamagitan ng HB 1296, awtomatikong makatatanggap ng pension ang seniors pagtuntong nila ng 60 anyos.
Ayon sa Section 3 ng HB 1296, ang monthly allowance ay ibibigay sa seniors sa paraan na mas madali sa kanila, mapa-cash man ito, direct remittance o e-transfer.
“The monthly stipend shall be releasedto target beneficiaries either in cash, direct remittance, electronic transfer, or other modes of delivery, whichever is more practical and acceptable to the beneficiary,” saad sa panukala.
Sa pag-claim ng pensyon, inaabiso na dalhin ng seniors ang kanilang National ID.
Sa Section 6 naman, binanggit na ipinapanukala ang paglipat ng distribusyon at implementasyon ng pensyon sa National Commission of Senior Citizens (NCSC) mula sa DSWD.
“The DSWD, and thereafter upon full transfer of its functions and programs to the NCSC, with the assistance of the PSA through community-based monitoring system established under Republic Act No. 11315, otherwise known as the "Community-Based Monitoring System Act," and validation by the LGUs, shall prepare the list of target beneficiaries which shall be updated and validated annually,” saad sa panukala.
Sa kabuoan, ipinunto ni Las Piñas Rep. Mark Anthony G. Santos sa HB 1296 na layon nitong matugunan ang malalaking gastusin ng seniors sa mga pangmedikal nilang pangangailangan.
Sean Antonio/BALITA