Ibinahagi ni Sen. Erwin Tulfo ang napagkasunduan umano sa Senado hinggil sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng maanomalyang flood control projects.
Sa panayam ng media kay Tulfo nitong Lunes, Nobyembre 24, 2025, iginiit niyang tila napapagdesisyunan na raw na tapusin ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa naturang proyekto kapag may nakasuhan na raw na mga sangkot dito.
“Noong last meeting namin ‘ika nga magfa-file na lang kami ng initial committee report. I don’t know kung anong desisyon ni Sen. Ping. But to my understanding, sabi nila Sen. Sotto ng majority na last hearing na raw po yun. Na magsa-submit na lang kami ng committee report. Kasi ‘di ba sabi rin ni Sen. Sotto ni SP Sotto ‘pag mag nag-file na ng kaso titigil na kami.’” ani Sen. Erwin.
Paliwanag pa ni Tulfo kailangan na raw umusad ng mga pagdinig sa Senado dahil marami pa umanong isyung tatalakayin ang iba’t ibang committee.
“We’ve just come-up with something to give this case to the ICI. Kasi marami ho tayong gagawin nauubos yung oras, andaming nagtatanong nag-aantay. Yung agri, yung smuggling ni Sen. Pangilinan naka-tengga. Yung ating anti-gambling naka-tengga,” anang senador.
Matatandaang noong Agosto 2025 nang magsimulang gumulong ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa anomalya at korapsyon ng flood control projects kung saan iba’t ibang pangalan ng mga naglalakihang politiko ang nakaladkad at nakaamba pang makasuhan katulad na lamang ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co at mga kasalukuyang senador na sina Sen. Joel Villanueva, Jinggoy Estrada Sen. Chiz Escudero at dating mga senador na sina Grace Poe Bong Revilla at Nancy Binay.
Sa kasalukyan, ilang indibidwal na ang nakasuhan habang patuloy pa ang pagtugis sa mga nagtatagong nauna nang masampahan ng kaso.
“Pito na po sa mga indibidwal na may warrant of arrest sa Sandiganbayan kaugnay sa [flood-control anomalies] ang nasa kustodiya na ng ating mga awtoridad,” ani Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kaniyang inilabas na pahayag nitong Lunes.
“Isa naman sa kanila ang inaresto ng NBI at anim naman ay boluntaryong sumuko sa CIDG. Mayroon ding dalawang akusado na nagpahayag ng intensyon na sumuko at susundin na ang PNP - CIDG,” paglilinaw niya.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM sa arrest warrant laban kina Co, iba pa: '7 hawak na ng pulis, 2 susuko, 7 di pa nahuhuli!'