Tila hindi naniniwala si dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos tungkol sa alegasyon ni Sen. Imee Marcos kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na diumano’y gumagamit ito ng ipinagbabawal na gamot.
Ayon sa naging ambush interview kay Abalos matapos ang ikinasa nilang “Lakad Kontra Droga” sa Mandaluyong City noong Linggo, Nobyembre 23, sinabi niyang isang “ulirang anak” si PBBM dahil sa pagdo-donate nito ng kidney sa kaniyang ama noon.
“Put this on record, kung mayroong isang anak na ulira, na mahal niya ang tatay niya, ‘yan si Presidente Bongbong Marcos,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “1980s, mamamatay noon si President Ferdinand Marcos, Sr. Kailangang may mag-donate ng kidney. Alam n’yo ba kung sinong nag-donate? Ang ating Presidente…”
Ani Abalos, isipin daw ng publiko ang naging desisyong ito noon ng Pangulo para sa kaniyang ama sa kabila ng walang katiyakang epekto ng ganoong klaseng operasyon.
“Hindi mo alam kung ano ang epekto sa iyo. He was in his 20s who will have the same quality of life… ito ba’y makakaapekto sa kaniya, ito ba’y magiging baldado siya, no one knows pero iisa ang alam natin, ganoon magmahal ang ating Pangulo,” pagbibida pa niya.
Giit pa ni Abalos, mayroon din daw asthma ang Pangulo kaya mas hindi siya naniniwalang gumagamit ito ng ipinagbabawal na gamot.
“Hindi lang ‘yon, ang ating Pangulo ay asthmatic. May asthma siya. Tell me, kung iisa ang kidney mo, kung asthmatic ka pa, hindi ka na nga dapat pa magsigarilyo… magda-drugs ka pa ba?” tanong niya.
“Look how we ask these questions… ‘yan ba ang isang drug addict? I beg to disagree and ang sinasabi ko ay factual,” aniya,
Pagtitiyak pang muli ni Abalos, mahal daw ng Pangulo ang kaniyang ama kaya maituturing siyang isang ulirang anak.
“He’s living on one kidney [at] ito ay sa pagmamahal ng anak sa kaniyang ama. Ganiyan ang ugali ng ating Pangulo,” pagtatapos pa niya.
Kaugnay nito, matatandaang isiniwalat ni Sen. Imee sa naging malawakang kilos-protesta ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) na diumano’y gumagamit ng droga ang kaniyang kapatid na si PBBM.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Imee Marcos, nilantad sa INC rally na ‘gumagamit’ diumano ng droga si PBBM
“Batid ko na nagda-drugs siya… Kinumbinsi ko pa si Bongbong, pakasalan mo na si Liza…Ang laki ng pagkakamali ko. Mas lumala ang kaniyang pagkalulong sa droga dahil parehas pala silang mag-asawa,” ani Sen. Imee sa kaniyang speech sa nasabing kilos-protesta noong Nobyembre 17, 2025.
Samantala, sinagot naman ito ni Palace Press Officer and Communications Undersecretary Claire Castro nito ring Lunes at sinabi niyang “desperadong galawan” naturang pagbubuking ni Sen. Marcos sa kapatid niyang Pangulo.
“Ano ang dahilan ng desperadong galawan ni Senator Imee Marcos laban sa sarili niyang kapatid at pati kay First Lady kundi makapanira lamang,” ani Castro.
MAKI-BALITA: Castro sa akusasyon ni Sen. Imee na 'drug addict' umano si PBBM: 'Desperadong galawan'
MAKI-BALITA: Sandro sa paratang ni Sen. Imee sa 'drug addict' umano si PBBM: 'Hindi ito asal ng isang tunay na kapatid'
MAKI-BALITA: PBBM, nagbigay ng kidney noon sa ama kaya imposibleng gumagamit ng ‘bato’—Usec. Castro
Mc Vincent Mirabuna/Balita