May banat si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque sa paghahabol sa kaniya ng gobyerno, hinggil sa kasong iniuugnay sa kaniya.
Sa kaniyang pahayag noong Linggo, Nobyembre 23, 2025 iginiit ni Roque na hinahabol daw siya ng gobyerno ng Pilipinas dahil umano sa pagiging tapat niya kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Alam nila [Dutch government] kung bakit ako hinahabol ng gobyerno. Dahil alam nila ako talaga'y naging tapat kay [dating] Presidente Rodrigo Roa Duterte,” ani Roque.
Saad pa niya wala raw siyang pinagsisisihan sa paglalaan ng katapatan niya para sa dating Pangulo.
“Hindi po ako nagsisisi hanggang aking kamatayan. Hindi ako nagsisisi kay [dating] Presidente Rodrigo Roa Duterte dahil ako tumatanaw po ako ng utang na loob, na ako'y binigyan ng pagkakataon ni tatay Digong na magsilbi sa bayan nang tapat. At 'yan po ay aking ginawa,” saad ni Roque.
Inihayag din ni Roque na naniniwala raw siyang ang pinagbigyan niya ng kaniyang katapatan ay siyang pinakamagaling na Pangulo sa kasaysayan ng bansa.
Aniya “Uulitin ko po lahat ang aking ginawa, dahil naniniwala ako na si tatay Digong ang naging pinakamagaling na Presidente sa kasaysayan ng Pilipinas. I will not apologize for it, I will not regret it!”
Matatandaang kasalukuyang umaapela ng asylum si Roque habang nakabinbin ang kaso niya dahil sa umano’y human trafficking na konektado sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
MAKI-BALITA: Harry Roque, maghahain ng asylum sa The Netherlands
MAKI-BALITA: Harry Roque, pinaaaresto ng Angeles court dahil sa umano’y human trafficking kaugnay ng POGO
Pero bago pa man ito, nauna na siyang binabaan ng arrest order matapos ang hindi pagdalo sa House inquiry para sa POGO Lucky South 99, na siya ang lumalabas na umano'y legal counsel.
MAKI-BALITA: Roque, ipina-cite in contempt dahil hindi isinumite ang SALN at iba pang dokumento sa House QuadCom