Ngayong papalapit na ang holiday season, partikular na ang Pasko, halos lahat ay makatatanggap na naman ng sari-saring mga regalo.
Iba-iba rin ang paraan upang makapagbigay nito, halimabawa na lamang ay ang dirty santa, gift grabbing, o kaya naman ay money envelope.
Pero bukod tangi ang “Monito Monita,” na hango sa palitan ng regalo na tinatawag ding “Secret Santa.”
Paano nga ba ito ginagawa?
Ang Monito Monita (o Kris Kringle) ay hango sa dalawang salitang Espanyol na nangangahulugang “little monkey (monito)” at little girl (monita).”
Ang paraan ng pakikipagpalitan ng regalo sa paraang ito ay pasikreto, na nagdadagdag ng “excitement” at thrill” sa mga nagsasagawa nito.
Una, dapat na pag-usapan ng lahat ang magiging budget para sa regalo. Ito ba ay dapat may presyo lamang na ₱50? ₱100? ₱500? ₱1000?
Matapos nito, dapat na pag-usapan kung ano ba ang temang nais ng karamihan.Halimbawa, ang lahat ng ireregalo sa iyong monito o monita ay “something red,” o kaya naman ay “something hard.” Puwede rin naman ang “something soft,” o kaya naman ay “something green.”
Puwede ring pagdesisyunan ng mga kalahok na sila ay magbigay ng “wishlist” upang matanggap nila ang ninanais nilang regalo.
Sa ibang bersyon, ang mga kalahok ay inaawit ang “Monito song” habang isinasagawa ang pakikipagpalitan ng regalo.
Isa lamang ang istriktong rule ng Monito Monita: huwag na huwag ipakakalat kung sino man ang iyong nabunot upang hindi mawala ang thrill ng pagpapalitan ng regalo.
Vincent Gutierrez/BALITA