Nakipag-ugnayan na raw ang pamahalaan ng Pilipinas sa International Criminal Police Organization (Interpol) para hilinging maglabas ng red notice laban kay dating presidential spokesperson Harry Roque, kaugnay ng umano’y kinahaharap nitong kasong qualified human trafficking.
Ito ay ayon sa panayam ng isang radyo kay Winston Casio, tagapagsalita ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Matatandaang noong Mayo, naglabas ng mga warrant of arrest laban kina Roque, gayundin kina Lucky South 99 representative Cassandra Ong, at 48 iba pa, na may kinalaman sa mga umano'y operasyon ng isang scam hub sa ilalim ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) firm na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.
Ayon sa PAOCC, nakalap umano nila ang ebidensya ng torture, kidnapping, at sex trafficking sa naturang pasilidad, kung saan higit 158 dayuhang manggagawa ang nailigtas ng mga awtoridad. Mariin namang itinanggi ng Lucky South 99 ang mga paratang.
Samantala, iniuugnay naman umano si Roque sa pag-secure ng operating license para sa POGO hub. Nakasaad din umano sa license reapplication ng kompanya na siya ang pinuno ng legal department ng Lucky South 99, na kalaunan ay tinanggihan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Pinabulaanan naman ni Roque ang mga akusasyon. Giit niya, hindi siya, at kailanman naging legal counsel ng anumang ilegal na POGO at hindi rin niya kinatawan ang Lucky South 99.
Samantala, ayon sa PAOCC, naispatan daw si Ong sa Japan matapos matuklasang hindi na siya nakakulong dito sa Pilipinas, ayon kay Sen. Win Gatchalian, sa pagdinig ng Senado sa budget ng Department of Justice (DOJ).
Kaugnay na Balita: Dahil hindi na nakakulong: Cassandra Ong, huling na-track sa Japan sey ng PAOCC