Usap-usapan at diskusyunan pa rin ng mga netizen ang naging karanasan ng social media personality na si Kier Garcia o mas kilala sa pangalang "Fhukerat" matapos siyang makaranas ng "denied entry" sa Dubai, United Arab Emirates (UAE) kamakailan, dahil umano sa ilang mga naging concern sa kaniyang dokumento, noong Nobyembre 18.
Ang unang sumabog na dahilan umano ng pagkakaharang kay Fhukerat sa Dubai International Airport ay ang "cross-dressing" nito; o dahil sa kaniyang umano'y pananamit bilang babae, make-up, at paraan ng presentasyon ng sarili, na iba sa nakalagay sa kaniyang passport.
Sobrang higpit at istrikto ng Dubai sa mga dayuhang pumapasok sa kanila (o sa pangkalahatan sa United Arab Emirates) kung ang hitsura o kilos ng isang taong tumutugma sa tinatawag na “cross-dressing” ay itinuturing ng mga awtoridad na labag sa kanilang dress code o decency laws.
Naharang si Fhukerat sa airport at hindi na pinayagan pang makapasok sa loob, at pinauwi nang ligtas sa Pilipinas.
Umani naman ng katakot-takot na bashing mula sa netizens si Fhukerat, dahil hindi man lamang daw inalam ng social media personality kung ano-ano ang mga bawal bago nagpunta roon.
Biyernes, Nobyembre 21, naglabas ng kaniyang paliwanag si Fhukerat tungkol sa nangyari.
ANG PALIWANAG NI FHUKERAT
Dinepensahan ni Fhukerat ang CEO ng beauty brand at social media personality na si "Queen Hera," na siyang kasama niya nang mga sandaling iyon at ng iba pang social media personalities.
Inatake kasi si Queen Hera ng ilang netizens; ang concern nila, bakit hindi man lang daw inabisuhan ng una si Fhukerat na may ganoon pa lang kahigpit na rule ang Dubai pagdating sa mga dayuhang papasok sa kanila. Ani Fhukerat, maging si Queen Hera, hindi alam na ganoon daw pala kahigpit at kaistrikto ang Dubai pagdating sa attire at presentation ng sarili.
Ang katwiran ni Fhukerat, okay lang na sabihan siyang hindi inaalam ang rules ng pupuntahang lugar, pero huwag naman daw sana siyang insultuhin, lalo na ang hitsura niya.
"'Yong reason kung bakit hindi ako nakapasok ng Dubai, hindi sa pananamit ko, hindi sa make-up ko, at hindi sa pag-iingay ko," paliwanag ni Fhukerat.
"Ang sabi sa akin ng officer, na sinabi ko rito sa YT (YouTube channel) ko, sabi niya, 'It's because your identity [does] not match your passport."
"So 'pag tiningnan ako, mukha akong babae, pero tingnan n'yo 'yong passport ko, is nakalagay do'n 'male.' So 'yon ang pinaka-reason, walang reason kung nakadamit ako ng pambabae, hindi 'yon," aniya pa.
Sa pagpapatuloy pa niya, "Saka sabi ng officer, 'You know what, there's nothing wrong about you, gender expression is okay, pero 'yon nga, rules [are] rules, you should abide by the rules, ito 'yong rules namin.' Pasensya na raw kung gano'n 'yong nangyari."
"Sabi ko naman, 'It's totally fine. I understand that I should abide by the law, and I'm not really familiar with your rules here, and it's my first time, so I don't have any idea.' So 'yon 'yon, teh!" paliwanag pa niya.
PALIWANAG NI QUEEN HERA
Naglabas din ng kaniyang paliwanag si Queen Hera tungkol sa mga nangyari sa pamamagitan naman ng kaniyang TikTok videos nitong Sabado, Nobyembre 22.
Si Queen Hera ay matagumpay na nakalusot sa Immigration at nakapasok sa Dubai kaya hindi na siya nakalabas nang maharang na si Fhukerat at pabalikin na sa Pilipinas.
Nagsalita na si Queen Hera dahil sa hate comments at bashing na natatanggap niya mula sa mga nangyari, at sa umano'y "pagsisinungaling" ni Fhukerat sa umano'y dahilan ng kaniyang denied entry.
Sa bersyon ni Queen Hera, lahat daw ng statement ay "pinasisinungalingan" niya.
"Hindi pa siya nakakarating sa Immigration Officer, hinarang na siya," saad ni Queen Hera.
"Tandaan n'yo, hindi pa nakakarating sa Immigration Officer, pinakadulo pa lang ng linya, alam n'yo 'yong airport sa Dubai napakahaba ng linya, pinakadulo pa lang ng linya, naharang na siya. Bakit kaya? Bakit kaya? Nanginginig ako habang sinasabi ko 'to. Hindi tayo aabot sa ganito kung marunong tayong mag-take ng accountability," saad pa ni Queen Hera.
Kuwento ni Queen Hera na ilang beses na niyang pinagsabihan si Fhukerat na mag-behave, maging noong nasa airport pa lamang sila sa Pilipinas dahil sa pagiging maingay nito. Ayon pa kay Hera, ipinagmalaki pa raw ni Fhukerat na siya ay “sikat” bilang social media influencer, sa Immigration sa Pilipinas.
Pagdating nila sa Dubai airport, hindi raw humupa ang ingay ng personalidad at nagsisigaw pa umano ito ng “Welcome to Dubai!” dahilan para pagtinginan na siya ng mga tao. Paulit-ulit pa raw siyang pinaalalahanan ni Queen Hera na maghinay-hinay o mag-behave dahil nasa ibang bansa na sila.
Dagdag pa ni Hera, habang sakay sila ng tren papuntang Immigration area, pumasok pa raw si Fhukerat sa female comfort room. Dahil sa dami ng CCTV sa paliparan, mabilis umanong namo-monitor ang mga kilos nito. Bago pa man sila makarating sa Immigration counter, hinarang na raw ang social media personality. Ayon sa paliwanag sa kanila, hindi raw usapin ng pananamit ang insidente kundi isang isyu tungkol sa national security.
Pagkapasok nila sa area, nagpatuloy si Hera sa kaniyang biyahe at kinuha ang kaniyang luggage. Ilang sandali pa, nakatanggap siya ng tawag na na-hold si Fhukerat sa Immigration. Hindi na raw siya pinayagang bumalik upang tulungan ito. Sinubukan pa niyang itanong kung maaaring magpalit ng damit ang kasama, ngunit tumanggi raw ang immigration officer na makipag-usap at sina Roldan at Mami John G lamang ang pinapayagang kumausap.
Ayon daw sa officer, “This is not about the outfit, this is about national security.” Naghintay sila hanggang madaling-araw, umaasang mapapalampas ang nangyari, ngunit ibinaba ang desisyon: blacklisted si Fhukerat at hindi na raw ito maaaring bumalik ng Dubai.
"'Do not ever come back to Dubai again, 'yan ang sabi sa kaniya," sey ni Queen Hera.
"Mangiyak-ngiyak ako, nanginginig ako, nanlalamig 'yong kamay ko..." sundot pa niya.
Ayon pa kay Queen Hera, napilitan siyang magsalita dahil nagalit siya sa ginawa ni Fhukerat. Sa halip daw na magpaliwanag tungkol sa insidente, mas inuna pa nito ang pagpo-post ng reaction videos kaugnay ng Miss Universe 2025.
Dahil dito, tila hinayaan umano ni Fhukerat na sila Queen Hera, ang kanilang mga kasama, at maging ang travel agent ay paulanan ng galit ng mga netizen.
Isang netizen pa ang nagtanong sa comment section kung bakit magkaiba raw ang kuwento nilang dalawa ni Fhukerat.
"Bkit prang ibang iba ung kwento ni fhukerat sa kwento nyo madam" tanong ng netizen.
Sagot ni Queen Hera, "Sinungaling kase."
Photo courtesy: Screenshot from Queen Hera/TikTok
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Fhukerat hinggil sa mga naging pahayag ni Queen Hera.