Mula sa pagiging “high performer” tinagurian na lamang na “medium performer” ang Pilipinas matapos bumulusok nang 12 puwesto pababa ang ranking nito sa 2026 Climate Change Performance Index (CCPI).
Ayon sa CCPI, habang may tinatrabahong mga polisiya ang pamahalaan para masolusyonan ang polusyon sa bansa sa pamamagitan ng “Low Carbon Economy Investment Act,” bumaba sa ika-19 ang ranking ng Pilipinas mula ikapito dahil sa kakulangan sa pangmatagalang plano ng bansa laban sa climate change at mahinang implementasyon ng mga polisiya sa paghina ng polusyon.
“The Philippine government is working on executive provisions aiming to establish a well-regulated carbon offsetting registry, with carbon markets embedded in a national emissions trading system. In conjunction with a proposed Low Carbon Economy Investment Act, the CCPI country experts welcome this initiative, as it provides a tool for effective emissions reduction distribution,” saad sa lathala ng CCPI.
“However, even if these proposals are strictly applied, the lack of a net-zero target, ambitious and unconditional intermediate targets, and a consistent Long-term Strategy (LTS) weaken the country’s policy performance. These factors contribute to the considerable drop in this year’s ranking.
Gayunpaman, isa pa rin ang Pilipinas sa mga bansa sa Southeast Asia na nakakamit ng mataas na ranking, sa puntos na 62.79.
Sinundan ito ng Vietnam na nasa ika-24 na ranking, sa puntos na 60.65.
Ayon pa sa CCPI, katulad noong 2024, iniwan nilang blanko ang “Top 3” spots dahil wala raw bansa ang nakakuha ng mataas na “overall very high rating” sa lahat ng kategorya nila.
Pinangunahan ng bansang Denmark ang mga bansa sa listahan, dahil sa mataas nilang rating sa renewable energies, na sinundan ng United Kingdom, at Morocco dahil sa “very low capita emissions” nito, malaking investment sa pampublikong transportasyon, at bagong “climate target” sa darating na 2035.
Ang mga bansa namang nasa dulo ng listahan ay ang United States sa ika-65, Iran sa ika-66, at Saudi Arabia, sa ranking na ika-67, dahil patuloy na paggamit ng fossil fuels ng mga bansang ito, na kilala rin sa buong mundo bilang “largest oil- and gas-producing countries.”
Ang nasabing ranking ay base sa mga sumusunod na criteria: climate policies, renewable energy performance, energy use, at greenhouse gases (GHG) emissions.
Sean Antonio/BALITA