Nag-uwi ng karangalan si Karl Eldrew Yulo matapos makapagtala ng bronze medal sa floor exercise final ng 2025 3rd FIG Artistic Gymnastics Junior World Championships na ginanap nitong Linggo, Nobyembre 23, sa Newport World Resorts sa Pasay City.
Nanguna sa laban si Yang Lanbin ng China na may 13.833 puntos para sa ginto, habang pumangalawa naman ang Italyanong si Simone Speranza na nagtala ng 13.766 puntos. Nagtapos si Yulo sa ikatlong puwesto matapos makakuha ng 13.733 puntos.
Malaking bagay ito para kay Yulo na anim na buwang masinsinang nagsanay sa Japan sa ilalim ng coach na si Munehiro Kugimiya, na nagsilbing mentor at coach din ng kuyang si "Golden Boy" Carlos Yulo, na kauna-unahang atletang nakasungkot ng dalawang medalyang ginto sa Olympics, noong 2024 sa Paris.
Sa kabilang banda, pinakamalaking tagumpay ni Karl Eldrew ang bronze na ito sa ngayon habang patuloy niyang hinuhubog ang sarili sa artistic gymnastics.
Ito rin ang unang paglahok niya sa junior world stage. Isang araw bago nito, nailagay siya sa ikawalong puwesto sa individual all-around. Sa darating na Lunes, Nobyembre 24, tatangkain naman niyang makakuha ng puwesto sa vault at horizontal bar.