Pinuri ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez ang mabilis na konstruksyon at magandang disenyo ng bagong Tambayan Food Hall at Food Village sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, na pawang mga proyektong inisyatibo ng New NAIA Infra Corp. (NNIC) bilang bahagi ng modernisasyon ng paliparan.
Ang inspeksiyon ni Lopez ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na pagandahin at gawing mas moderno ang mga pasilidad sa mga paliparan sa buong bansa upang masiguro ang kaginhawaan ng mga pasahero.
Makikita ang mga video at larawan ng nabanggit na bagong pasilidad sa mismong opisyal na Facebook page ng DOTr.
Ayon kay Lopez, malaking tulong ang mga bagong pasilidad sa libo-libong manlalakbay na dumaraan sa NAIA araw-araw.
“Malaking bagay ito sa mga pasahero, empleyado at iba pang airport users dahil maraming mapagpipiliang kainan at libre pa ang WiFi. Bukod dito, maaliwalas, maliwanag at lumawak din ang lugar,” anang kalihim.
Ang Tambayan Food Hall, na may 2,500 seating capacity, ay magtatampok ng iba’t ibang food concessionaire mula Luzon, Visayas at Mindanao. Mayroon din itong Halal-certified options para sa mga pasaherong nangangailangan ng alternatibong pagkain.
Inaasahang bubuksan sa publiko ang Tambayan Food Hall at ang 500-seating capacity na Departure Food Village sa darating na Disyembre 8, bilang bahagi ng mas malawak na hakbang ng NNIC at DOTr upang paigtingin ang serbisyo at ginhawa sa NAIA.