Nakilala rin bilang “Trial of the Decade” at “Ampatuan Case,” ang Maguindanao Massacre ang isa sa mga pinakamalagim na kaso ng pag-atake sa mga mamamahayag sa bansa.
Dahil sa bilang na 58 katao na pinaslang, 32 dito ang mga mamamahayag, ayon sa tala ng Reporters Without Borders, kung saan, pinagbabaril ang mga ito at sama-samang tinabunan ng lupa.
Ayon pa sa datos ng ABS-CBN News, sa 197 nahatulan ng kasong murder, walo ang naiulat na namatay sa kasagsagan ng paglilitis.
Ang paglilitis ding ito ay tumagal ng 10 taon, bago opisyal na ianunsyo ang hatol noong Disyembre 19, 2019.
Sa ika-16 taon matapos ang malagim na pangyayaring ito sa kasaysayan ng pamamahayag sa bansa, balikan ang naging timeline ng mga pangyayari mula taong 2009 hanggang 2019.
Nobyembre 23, 2009
Ilang buwan bago ang May 2010 elections, umaga ng Nobyembre 23, ang convoy na may lulan na 58 katao ay in-ambush sa bayan ng Ampatuan sa Maguindanao.
Kasama sa convoy ang buntis na asawa, mga kapatid na babae, at abogado ni Esmael “Toto” Mangudadatu, at 32 mamamahayag.
Papunta sila sa Shariff Aguak para i-file ang certificate for candidacy ni Toto sa pagka-gobernador sa Maguindanao, laban kay Datu Andal Ampatuan, Jr. na kilala rin bilang “Unsay,” na anak ng incumbent governor sa probinsya na si Andal Ampatuan, Sr.
Ayon sa mga ulat, ipinadala ni Toto ang kaniyang asawa at iba pang mga babaeng kaanak dahil naniniwala siyang hindi sasaktan ang mga ito dahil babae sila, inimbitahan rin niya ang grupo ng mga mamamahayag para ibalita ang filing ng candidacy at bilang dagdag proteksyon.
Gayunpaman, nang ipinahinto ng mga armadong kalalakihan ang convoy, inutusan ang driver na magtungo sa isang lokasyon kung saan, tatlong libingan na ang nakahanda para sa mga lulan nito.
Kung saan ayon kay Mangudadatu, binaril pa ng 17 beses ang asawa.
Nobyembre 24, 2009
Idineklara ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang state of emergency sa Maguindanao, Sultan Kudarat, at Cotabato City.
Nobyembre 26, 2009
Tatlong araw matapos ang massacre, opisyal na sumuko sa mga otoridad ang pangunahing suspek na si Ampatuan Jr.
Disyembre 1, 2009
Dito ay sinampahan na ng multiple counts of murder si Ampatuan Jr.
Sa karagdagang ulat ng Al Jazeera, na-aresto na rin dito ang kapatid niyang si Zaldy Ampatuan at ama nilang si Andal Sr.
Setyembre 8, 2010
Opisyal nang sinimulan ang paglilitis.
Bukod sa mga pangalang naiuugnay sa massacre noong mga panahong ito, may mga naiulat ding pinaslang na witness.
Ang mga naiulat na ito ay sina Suwaib “Jesse” Upham na pinatay daw ng isang unidentified gunmen sa Parang, Maguindanao, at si Esmael Enog, na nagsabi sa korte na tinatayang 36 armadong kalalakihan ang nasa lugar ng mga naging pagpatay.
Hulyo 17, 2015
Namatay si Ampatuan Sr. sa National Kidney and Transplant Institute dahil sa liver cancer, ayon sa kaniyang abogado na si Salvador Panelo.
Hulyo 17, 2019
Opisyal nang natapos ang paglilitis.
Disyembre 19, 2019
Nahatulang “guilty beyond reasonable doubt” sina Andal Jr., Zaldy Ampatuan, at iba pang principal suspects, sa 57 counts of murder, sa Quezon City Regional Trial Court.
Sean Antonio/BALITA