Na-inspire ang isang Pinay lawyer sa kuwentong determinasyon na ibinahagi sa kaniya ng isang 55-anyos na hindi lamang 3rd year Political Science (PolSci) student kundi isa ring driver ng isang ride hailing app .
Sa kasalukuyang viral social media post ni Atty. Jackie Gan-Cristobal, ikinuwento niyang nagkakilala sila ni Tatay Benjie Estillore dahil ito ang ride hailing app driver niya papunta sa trabaho.
“Meet Tatay Benjie, my Grab driver on the way to work today and our future lawyer!” panimula ni Cristobal sa kaniyang post.
Ibinahagi rin dito ni Cristobal na tatlong taon nang nasa scholarship program ng Taguig City si Tatay Benjie–sa umaga, isa siyang “Grab” driver, pumapasok naman sa klase tuwing hapon, tapos ay babalik sa pasada hanggang gabi.
“He drives Grab in the morning, attends classes in the afternoon, and goes back on the road until midnight. For the past three years, he’s been a Taguig scholar of Mayor Lani Cayetano and he might just be the oldest scholar at that!” aniya.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Cristobal, ibinahagi ang naging takbo ng kuwentuhan nila ni Tatay Benjie.
“It was like a normal day. When I booked him, I was actually with a friend–my friend was asked to be dropped off only nearby our condo. So, when she was dropped off, Tatay Benjie asked, ‘Ma’am sa senate po ang drop niyo, right? Doon po kayo nagwo-work?’ That’s where it started,” saad ni Cristobal kung paano nagsimula ang usapan nila ni Tatay Benjie.
Dito, tinanong na ni Tatay Benjie kay Cristobal kung ano ginagawa niya doon, at nang malaman nito na isa siyang abogado, proud na ibinida ni Tatay Benjie na tatlong taon na siyang iskolar ng Taguig City at pangarap niyang ipagpatuloy ang kaniyang kurso sa abogasya.
“Nagkuwento siya how it is in college. Tahimik daw ‘yong classmates niya, parang isa siya sa mga laging nagpa-participate, umuupo siya sa harap,” pahapyaw ni Cristobal sa ilan sa maraming napag-usapan nila ni Tatay Benjie.
Ibinahagi rin daw ni Tatay Benjie na pangarap niyang makapag-internship sa korte at makapagtrabaho sa gobyerno para mapagsilbihan ang publiko, at maging inspirasyon sa ibang tao.
Nang matanong ni Cristobal paano napagsasabay ni Tatay Benjie ang pagpapasada at pag-aaral, ibinahagi nito na dahil hapon madalas ang schedule niya sa klase, namamasada muna siya sa umaga, tapos ay uuwi sa bahay saglit para mag-ready papuntang pamantasan, a-attend ng mga klase niya, at muling babalik kalsada bago ulit umuwi para makapagpahinga.
“I told him, ‘grabe ‘Tay. Sobrang inspiring naman ng ginagawa mo.’ Ang galing kasi he manages to do that. Sabi niya, wala naman daw silang luxury ng asawa niya na mag-enroll lang agad,” ani Cristobal.
Ibinahagi ni Tatay Benjie na Grade 4 teacher naman ang asawa niya sa Taguig, at parehas silang naniniwala na importante ang edukasyon at sa pamamagitan nito, makakapunta sila sa iba’t ibang lugar hindi bilang isang driver, ngunit bilang isa na ring pasahero.
Bilang iskolar naman sa Taguig City, nais ipabatid ni Tatay Benjie kay Mayor Lani Cayetano ang pagpapasalamat sa tulong na nadudulot ng kaniyang scholarship program
“He kept mentioning Mayor Lani kasi sabi niya, three years na siyang scholar ng Taguig and it’s very helpful. He wonders daw if Mayor Lani knows na she has a scholar na 55 years old, baka siya raw ang pinakamatandang scholar,” aniya.
“Awa rin daw ng Diyos nari-reach niya pa rin ‘yong maintaining grade kahit na may work siya on the side. Lagi niya sinasabi, ‘Ma’am, kung mababanggit mo kay Mayor Lani…’ Sobrang grateful daw siya.” saad pa ni Cristobal.
Tungkol naman daw sa mga gastusin bilang working-student, kahit wala raw halos tuition fee sa UMAK (University of Makati), bahagyang mabigat para kay Tatay Benjie ang miscellanous fees tulad ng libro, allowance, kaya ang nakukuha raw nitong scholarship mula sa lungsod ay ang ginagamit para bayaran ang mga ito.
Kaya bago bumaba sa destinasyon, nagpa-picture si Cristobal kay Tatay Benjie, sa layong maipakita ito ay Mayor Lani at dahil na rin lubos siyang natuwa sa istorya nito.
“While we were taking a picture, sabi niya, ‘Ma’am pakita niyo ‘yong lanyard ko.’ ‘Yong ID lanyard niya na he’s a Political Science student,” proud na sabi ni Tatay Benjie.
“I went to the senate, pero I can’t forget his story. I really wanted to post it. I was working pero when I had a downtime, I posted it, not expecting it to blow up that big,” hindi makapaniwalang saad ni Cristobal matapos ang naging kuwentuhan kay Tatay Benjie.
Nang tanungin ng Balita si Cristobal kung ano ang napagtanto niyang “human side” ng kaniyang propesyon sa naging usapan nila ni Tatay Benjie, binanggit niya na naka-relate siya rito dahil naging full scholar din daw siya noong nag-aaral sa pagka-abogado.
“We were also financially challenged at that time. It was the church who helped me [in] my law school because I really wanted to become a lawyer,” saad ni Cristobal.
Dito ay kinwento niya ang isa sa mga pangyayari na tumatak sa buhay estudyante niya noon.
“I was motivated to become a lawyer at that time because we had experienced a tragic incident noong nasa college pa lang ako. I was taking up Legal Management in a state university in Bulacan. My lolo was hit by a 16-wheeler truck and during that time, hit and run ‘yon, pero dahil we were able to catch the accused, nagkaroon ng legal implication,” saad ni Cristobal.
“Naalala ko ‘yong mom ko at tito ko, tinatakot sila noong company na may-ari ng truck, sinasabi nila kapag nagsampa raw kami ng kaso, babalikan raw kami ng mas malaking kaso, and they will make sure that they will charge with big amount of damages. So, I told the truck company representative, ‘Sir, with all due respect po, I’m already studying the basics of the law, ano po ‘yong ikakaso niyo sa amin. Kasi based on what I’ve learned, we were in the right.’ After noon, he was stunned. He became nicer to us,” dagdag pa niya.
Mula sa pagbabalik-tanaw niyang ito sa personal niyang istorya, napagtanto ni Cristobal na makapangyarihan ang edukasyon at kaalaman.
“That encounter with Tatay Benjie reminded me of why I wanted to become a lawyer in the first place. It’s really to serve people. It’s really to inspire people like Tatay Benjie, that we can do this. And that we can really strive hard to reach and fulfill our dreams,” saad niya.
Mensahe para kay Tatay Benjie
Bilang mensahe kay Tatay Benjie, ibinahagi ni Cristobal na sa pamamagitan ng kaniyang viral post sa social media, marami ang napahanga at na-inspire ng pagpupursige ni Tatay Benjie.
“Tatay Benjie, galingan niyo po sa pag-aaral. Ang dami-dami niyo na pong napahanga at ngayo’y nananalangin at sumusuporta na matapos niyo po ang pag-aaral niyo, at balang-araw, maging abogado,” ani Cristobal.
“Hindi imposible ‘yon dahil sa hardwork and determination na mayroon po kayo. Gaya po ng messages sa TikTok and Facebook posts natin, lagi po nilang sinasabi na you are a great reminder for them that it’s never too late for them to chase their dreams. It’s not even too hard, it’s not even too impossible as long as the Lord wants it to be done. As long as we work hard for it, it’ll happen at the right time,” dagdag pa nito.
Sa pagtatapos ng panayam, tiniyak ni Cristobal na maaari pa rin siyang i-message ni Tatay Benjie, at magiging bukas ang linya niya para dito.
“I will always be here, one message away, as I’ve mentioned to you. If you need any support, I would be very happy to attend your graduation in college, as you have already invited me, and soon when you graduate from law school, and in your oathtaking as a lawyer. Padayon, future Panyero,” pagbibigay-pugay ni Cristobal kay Tatay Benjie.
Sa kasalukuyan, sinubukan na kuhanin ng Balita ang komento ni Taguig City Mayor Lani Cayetano hinggil sa tulong na dala ng kaniyang scholarship program kay Tatay Benjie.
Sean Antonio/BALITA