December 12, 2025

Home FEATURES Trending

ALAMIN: Mga ‘bawal’ sa ilang bansang balak puntahan para sa travel

ALAMIN: Mga ‘bawal’ sa ilang bansang balak puntahan para sa travel
Photo courtesy: Dubai International (FB), Pexels

Maingay na pinag-uusapan sa social media ang nangyari sa content creator na si Kier Garcia na kilala rin bilang “Fhukerat” nang umano’y ma-“denied entry” siya pagkalapag sa Dubai International Airport kamakailan, dahil sa isyu ng “identity mismatch.”

Subalit bukod dito, mula naman sa bersyon ng social media influencer na si Queen Hera noong Sabado, Nobyembre 23, na hinarang na agad si Fhukerat sa pila pa lang sa immigration ng Dubai International Airport dahil sa umano’y behavior nito sa paliparan pa lang kagaya ng pag-iingay at pagpasok sa palikuran ng mga babae; na tinawag nilang “national security,” at naging dahilan para maging blacklisted si Fhukerat sa Dubai. 

Dahil dito, nabuksan ang usapan tungkol sa pag-research muna sa bansang papasyalan sa travel at kung ano ang tamang behavior kapag naroon na, sa airport pa lang.

Kaya, narito ang ilang batas at kultura sa ibang bansa na dapat isaalang-alang kapag magta-travel sa ibang bansa: 

Trending

KILALANIN: Ang pumanaw na PBA Legend na si Jimmy Mariano

Ayon sa pag-aaral ng Human Rights Watch na pinamagatang #OUTLAWED: “The love that dare not speak its name,” may tinatayang siyam na bansa sa mundo na ipinagbabawal ang ekspresyon ng ibang kasarian. 

Ang ilan sa mga bansang ito ay ang: 

Brunei at Oman- isang criminal offense ang “posing” o “panggagaya” sa kasarian na hindi nito kinabibilangan. 

Malaysia- ayon sa pag-aaral ng Human Dignity Trust, isang criminal offense ang same-sex sexual activity, at kung sino mang lalabag dito ay maaaring makulong ng hanggang 20 taon. 

Saudi Arabia- habang walang codified law tungkol dito, ayon sa Human Rights Watch, hinuhuli ng mga kapulisan ang ilang indibidwal rito base sa pagpapahayag nila ng kanilang gender expression. 

United Arab Emirates (UAE)-  ipinagbabawal rito ang pagkilos o pagbibihis babae para makapasok sa “women-only spaces.”

Bukod sa gender-oriented rules, may ilan pang mga batas na konektado sa pagkain at sightseeing: 

Singapore- mahigpit na ipinagbabawal ang chewing gum dito dahil sa dumi nitong nadudulot sa iba’t ibang parte ng mga establisyemento nila.

Venice, Italy- ipinagbabawal dito ang pagpapakain sa mga pato  para protektahan ang mga monumento nilang may makasaysayang koneksyon. 

Greece- ipinagbabawal sa ilang makasaysayang lugar dito ang pagsusuot ng high heels para maiwasan ang pagkasira ng stonework sa lupa dala ng talim ng heels. 

Sri Lanka- ipinagbabawal ang patalikod na pagkuha ng selfie sa monumento ni Buddha. 

Kung nais mag-selfie, inaabiso ng batas na humarap na lamang sa monumento ni Buddha. 

South Korea- ipinagbabawal rito ang pagsusuot ng sapatos sa ilang parke at templo dahil ang mga lugar na ito ay nagsisilbing lugar pahingahan o meditasyon ng marami. 

Japan- mahigpit na ipinagbabawal rito ang pagkakalat, paninigarilyo, at jaywalking sa mga pampublikong daan, ayon sa lathala ng Vacations & Travel. 

Kung pupunta naman sa distrito ng Kyoto sa Japan, ipinagbabawal nila ang pagkuha ng litrato ng geisha o maiko bilang proteksyon sa kanilang privacy at bilang pag-iwas sa potensyal na harassment. 

Sa dami ng mga batas na nagsasabi kung ano ang bawal at dapat gawin, mahalagang tandaan na araling maigi ang kultura ng bansang pupuntahan para hindi makaabala sa mga lokal na residente rito habang lubos ang pag-eenjoy sa pagbisita sa bansang ito. 

Sean Antonio/BALITA