Tumungo ang Taguig City Police station sa isang condo ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co upang isilbi ang warrant of arrest laban sa kaniya.
Ayon sa mga ulat, pumunta ang mga opisyal ng Warrant and Subpoena Section at Sub-Station 1 ng Taguig CPS sa Horizon Homes, Shangri-La sa Bonifacio Global City nitong Sabado, Nobyembre 22, 2025.
Photo courtesy: SPD PIO
Ngunit kalaunan, kinumpirma ng naka-duty na manager ng nasabing gusali at security manager na matagal na umanong wala roon si Zaldy Co at mahigit isang buwan nang nakaselyo ang pinto ng nasabing condo unit.
Kaugnay nito, matatandaang kinumpirma mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na mayroon nang warrant of arrest ang Office of the Ombudsman laban kay Co at 17 iba pang mga indibiwal noong Biyernes, Nobyembre 21, 2025.
MAKI-BALITA: 'Huwag nang patagalin pa!' PBBM, pinabibilisan na pag-aresto kina Co, atbp.
“Nais kong i-report na ang Ombudsman, pormal nang naghain ng kaso laban kina Zaldy Co at iba pang labingpitong indibidwal batay sa mga ebidensyang inakyat ng ICI at ng DPWH,” aniya.
“Hindi po ito haka-haka, hindi po ito kuwento, ito po ay tunay na ebidensya,” giit pa niya.
Pagpapatuloy pa ni PBBM, tiyak daw niyang ipapatupad na ng mga awtoridad ang warrant of arrest laban sa mga indibidwal na nasampahan ng kaso ng Ombudsman.
“Ang susunod na hakbang, wala nang paligoy-ligoy pa, ang ating mga awtoridad ay syempre ipapatupad na nila itong mga arrest warrant na ito,” saad niya.
“Aarestuhan na sila, ihaharap sa Korte, at pananagutin sa batas. Walang special na pagtrato, walang sinasanto,” pagdidiin pa ng Pangulo.
Bukod pa rito, matatandaan ding matagal nang wala si Co sa bansa at pinapauwi na rin siya ng Ombudsman sa gitna ng mga rebelasyon ng huli sa mga umano'y malawakang korapsyon sa bansa.
MAKI-BALITA: Ombudsman, pinapauwi si Zaldy Co; handang magbigay ng proteksyon
Ayon sa pahayag ng Office of the Ombudsman noong Nobyembre 15, 2025, sinabi nito na may tamang daloy ang seryosong imbestigasyon.
"G. Co — umuwi kayo. Isumite ang inyong salaysay. Ipaberipika ang inyong mga pahayag. Sumailalim sa parehong proseso na pinagdadaanan ng lahat. Kung tunay na layunin ninyo ang hustisya, dito iyon magsisimula — hindi sa ingay, kundi sa tamang proseso,” saad ng Ombudsman.
MAKI-BALITA: Zaldy Co, nanlaglag na? PBBM, nag-utos umano na mag-insert ng ₱100B sa 2025 budget
MAKI-BALITA: DPWH, ICI nagrekomendang kasuhan ng graft, plunder, indirect bribery sina Romualdez, Co
Mc Vincent MIrabuna/Balita