Bumwelta ang aktres at komedyanteng si Kim Molina sa batikos na natanggap ng jowa niyang si Jerald Napoles dahil sa pagganap at pagiging parte ng cast members ng bagong pelikula ni Darryl Yap na “Ngongo.”
Sa latest Facebook post ni Kim noong Biyernes, Nobyembre 21, hinikayat niyang panoorin muna ang pelikula bago husgahan.
“As Jerald and I discussed about this in private and when he told me about the script, ang masasabi ko lang ay panoorin niyo muna ang buong pelikula pag lumabas na,” saad ni Kim.
Dagdag pa niya, “Panoorin n’yo muna not just the teasers and posters, buong pelikula at istorya para maintindihan n’yo sinasabi ko at maintindihan n’yo rin sila. “
Bukod dito, nilinaw rin ni Kim na hindi raw totoong gipit sila kaya kinuha ni Jerald ang proyekto.
Aniya, “Hindi lang ito ang ginagawang pelikula ni Je. Tatlo ang ginagawa niya ngayon sabay sabay until the end of 2025 all to be released next year 2026.”
“Kaya no, hindi totoong gipit at wala na siyang project kaya siya nag yes dito. And mark my word, lahat ng tatlong bagong pelikulang yun, SOLID,” dugtong pa ni Kim.
Samantala, pinasalamatan naman ni Jerald ang kaniyang fiancée sa ginawa nito.
“Maraming salamat. Mahal na mahal kita. ” aniya.
Ang “Ngongo” ay prequel ng pelikulang “Ang Babaeng Walang Pakiramdam” na unang ipinalabas noong 2021 kung saan bumida si Kim.