Nag-propose na ang OPM Filipino R&B singer na si Dionela sa kaniyang girlfriend noong Biyernes, Nobyembre 21, unang gabi ng kaniyang “The Grace World Tour” sa New Frontier Theater.
Matapos itanghal ng singer ang una niyang set, tinawag niya sa entablado ang nobyang si Meizy Mendoza para kantahin ang parte nito sa kanta nilang “Bahaghari.”
Dito ay nagbaliw-tanaw si Dionela sa mga pinagdaan nila ng kaniyang nobya sa mga nagdaang taon.
“Sinamahan mo ko mula umpisa. Naalala ko noon, kasama kita noong binenta ko ‘yong huling gitara ko tapos gusto ko nang mag-quit tapo umiiyak tayong dalawa noon,” madamdaming pagbabalik-tanaw ng singer.
“Tapos nandito na tayo sa New Frontier, ang daming tao. Sinamahan mo ako mula umpisa hanggang ngayon, gusto sana kitang yayaing samahan mo ako habang buhay,” dagdag pa niya na umani ng hiyawan sa kaniyang fans.
Mas umingay pa sa concert grounds nang lumuhod na si Dionela, hawak ang singsing sa harap ni Mendoza at binitawan ang katanungang, “Meizy Joaquin Mendoza, will you marry me?”
Agad namang ibinigay ni Mendoza ang kaniyang matamis na “oo,” na nagdulot para dumagundong ang concert grounds sa mas malakas na hiwayan hindi lamang mula sa fans, kung hindi maging sa team ni Dionela sa entablado.
“Everybody she said ‘YES!’” masayang anunsyo ni Dionela.
Sa kaugnay na ulat, binanggit ng OPM singer sa kaniyang social media na ang “The Grace Tour” ay ang kaniyang “first major concert, at bilang pakikiramay sa mga nabiktima ng kamakailang bagyo, ibibigay niya ang lahat ng kikitain nito sa mga probinsyang nasalanta.
“Today, I made a decision that God impressed upon my heart [that] I’ll be donating everything I earn from this concert to help the victims of the recent concert,” saad ni Dionela sa kaniyang social media noong Nobyembre 10.
MAKI-BALITA: Mga kikitain sa ‘first major’ concert ni Dionela, ibibigay sa mga nabiktima ng bagyo
Sean Antonio/BALITA