Usap-usapan ang naging Instagram post ni Lebanese-French musician Omar Harfouch, na umano'y larawan nina Miss Universe 2025 Fatima Bosch ng Mexico at Miss Universe owner Raul Rocha.
Makikita sa nabanggit na larawan na magkasama sina Bosch at Rocha. Kapansin-pansing tila nakahilig nang bahagya ang ulo ni Miss Mexico kay Rocha.
"Do you know who these people are?" caption ni Harfouch.
Kalaunan, tila hindi na mapapansin sa Instagram account ng nag-resign na Miss Universe 2025 judge ang nabanggit na post.
Bagama't tila burado na ito sa IG account ng musician, nakapag-screenshot na ang mga netizen at pinuputakti na ito sa iba't ibang social media platforms.
Photo courtesy: Omar Harfouch/IG
Pero sa Instagram story niya, ibinahagi niya ang resulta ng larawan sa pagsusuri ng Artificial Intelligence (AI), na ang larawan ay "100% human" at hindi AI-generated.
Photo courtesy: Omar Harfouch/IG
Si Harfouch ay nag-ingay matapos lumabas ang resulta ng pageant, at tinawag niyang "fake winner" si Bosch.
Inakusahan ni Harfouch na may ugnayan na sa isa't isa ang tatay ni Bosch at si Rocha, kaya maaaring nakaapekto ito sa naging resulta ng coronation night.
“Miss Mexico is a Fake winner. I, Omar Harfouch declared yesterday exclusively on the American HBO, 24 hours before the Miss Universe final, that Miss Mexico would win—because Miss Universe owner Raúl Rocha is in business with Fatima Bosch’s father," saad pa niya.