Nag-react ang singer, abogado, at dating senatorial candidate na si Atty. Jimmy Bondoc sa kumakalat na bagong movement na tila kontra daw sa pagpalit ni Vice President Sara Duterte kung sakaling bumaba o umalis sa puwesto si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
Sa Facebook post ni Bondoc nitong Sabado, Nobyembre 22, ang nabanggit na pagkilos ay tinatawag na "ABS" o "Anyone But [Not] Sara" o nangangahulugang kahit sino raw ang pumalit, huwag lang si VP Sara.
Sa ilalim ng Konstitusyon ng Pilipinas, kapag nabakante ang posisyon ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas, ang papalit sa kaniya ay ang duly elected Vice President.
Kaya naman palagay ni Bondoc, "Dati, ang ibig sabihin ABS ay Channel 2. Ngayon, may bagong ABS - Anyone But Sara. Para sa dilaw at kaliwa,burn the Constitution,wag lang Sara. Wala nang batas,wala nang Diyos. I pray for your enlightenment, my friends."
Photo courtesy: Screenshot from Jimmy Bondoc/FB
Sa comment section naman ng post niya, nilinaw ni Bondoc na wala siyang isyu sa ABS-CBN.
"Pssst... linawin ko lang po: wala akong issue sa abs cbn ngayon ha. Ang post na ito ay tungkol sa mga lumalabag sa saligang batas, mawala lang si Sara. Mga 'Anyone But Sara' ang hadlang natin sa tunay na kaayusan," aniya pa.
Photo courtesy: Screenshot from Jimmy Bondoc/FB
Si Bondoc ay isa sa mga tagasuporta ni VP Sara at ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Sa lahat po ng hindi nagtitiwala kay [VP] Sara, bakit hindi ninyo subukan? Kasi at least ito, three (3) years na lang ang natitira. Kapag hindi ninyo na nagustuhan, kapag kinalaban n’yo ‘yan sa eleksyon, matatalo siya kung hindi matuwa ang taumbayan sa serbisyo niya,” pangungumbinsi ni Bondoc, sa isang panayam sa kaniya ng programa sa telebisyon.
Maki-Balita: 'Bakit 'di n'yo subukan?' Jimmy Bondoc, buo ang suporta kung maluklok sa tuktok si VP Sara