Ibinahagi sa publiko ng Kapamilya actor na si Jake Cuenca ang isang hindi inaasahang karanasan niya nang habulin daw siya noon ng mga pulis at paputukan ng baril.
Ayon sa inilabas na panayam ng “The Men’s Room” sa One News PH kay Jake noong Biyernes, Nobyembre 21, ikinuwento niya ang minsang pagpunta daw sana niya noon sa matalik niyang kaibigan at kapuwa aktor na si Paulo Avelino.
Ani Jake, mga 7:30 ng gabi raw noon, at hindi na niya nabanggit kung kailan, nang mangyaring sinubukan siyang patigilan sa kalsada ng mga hindi naka-unipormeng lalaki at may dalang mga baril.
“Hindi sila naka-uniform… chineck ko na naka-shorts, may baril tapos tsinelas,” aniya.
Paliwanag pa ni Jake, “siyempre, ‘yong jeep dala ko noon, hindi ako titigil. Kung hindi ka pulis, hindi talaga ako titigil lalo na kung naka-shorts sila tapos may baril pa.”
Pagpapatuloy niya, tila parang eksena sa teleseryeng “Batang Quiapo” ni Coco Martin ang kasunod na mga nangyari.
“No’ng dumiretso ako, bigla akong hinabol na ng mga kotse. As in parang eksena sa Batang Quiapo talaga na nakalabas, pang-pang-pang, ganun talaga,” pagkukuwento niya.
Dagdag pa ng aktor, “At the end of this, nakahanap ako ng nine (9) bullets sa gulong ng kotse ko.”
Dahil umano rito, isang Grab driver ang tinamaan ng ligaw na bala mula sa paputok ng mga nasabing pulis na humabol sa kaniya.
Mabuti na lang daw at hindi ito natuluyan at sinigurado niya na maayos ang kalagayan ng nasabing Grab driver.
“Nangyari na ang nangyari… tumigil ako, nalaman kong undercover pala sila,” ‘ika pa niya.
Ikinuwento pa ni Jake na parang nagkaroon daw ng utang na loob ang mga pulis na humabol sa kaniya dahil bawal daw magpaputok ng baril ang isang opisyal kung walang armas na dala ang tinutugis nila.
Matatandaang nagsalita noon si Jake sa isyung kinasangkutan niya, na umano'y pagbangga niya sa sasakyan ng mga operatiba, na nauwi naman sa habulan at pagpapaputok pa ng baril mula sa pulisya dahil nagkataon umanong nagsasagawa ng buy-bust operation ang mga pulis sa Shaw Boulevard.
MAKI-BALITA: Jake Cuenca, nagpaliwanag kung bakit hindi huminto nang hinabol ng mga pulis
Ani Jake, nakasibilyan kasi o hindi nakasuot ng uniporme ang mga pumapara sa kaniya, kaya sinunod niya ang kaniyang instinct na huwag huminto at bumaba. Inakala niyang mga masasamang-loob ito. Hindi niya umano naramdamang nakabangga na pala siya ng gilid ng sasakyan, dahil kung titingnan umano ang kaniyang kotse, wala itong gasgas maliban na lang sa butas sa gulong na likha ng gunshot, na mula sa mga taong nakasibilyan.
"There is an operation going around, and people are just doing their jobs, and I completely understand that," ayon pa sa aktor.
Nagulat pa umano si Jake nang malaman niyang siya pala ang hinahabol ng mga pulis at hindi ang inakalang mga sibilyan na pinaputukan ang gulong ng kaniyang sasakyan.
"I followed due process. Hindi ako nanlaban. Hindi ko sila pinahirapan," aniya pa.
Dahil umano rito at mga isyu na pumutok noon sa social media, isinabay na rin ni Jake ang desisyong tumigil sa pag-inom ng alak.
“Because of that really big incident, that also pushed me to be sober. Parang nagamit ko rin ‘yong insidenteng ‘yon for my own betterment,” pagtatapos pa niya.
Samantala, wala namang nabanggit si Jake na nakainom siya ng alak noon kaya siya hinabol ng mga pulis at sadyang naipit lang siya sa isang engkuwentro na hindi niya rin inaasahan.
MAKI-BALITA: 'Padila naman, Miguelito!' Netizens, nag-init sa hot pics ni Jake Cuenca
MAKI-BALITA: ‘There was no breakup:’ Jake Cuenca, nagsalita na sa hiwalayan nila ni Chie Filomeno
Mc Vincent Mirabuna/Balita