December 13, 2025

Home BALITA National

DOH, iminumungkahi ‘total ban’ ng vape sa bansa

DOH, iminumungkahi ‘total ban’ ng vape sa bansa
Photo courtesy: MB

Iminumungkahi ni Department of Health (DOH) Sec. Ted Herbosa ang “total ban” ng vape sa bansa dahil sa umano’y mapanlinlang nitong marketing sa kabataang Pinoy at panganib na dala ng mga kemikal na taglay nito. 

Sa panayam ni Herbosa sa DZMM Teleradyo nitong Sabado, Nobyembre 22, ibinahagi niya na unang na-promote ang vape sa bansa bilang “healthier option” sa paninigarilyo at katulong na malagpasan ng isang indibidwal ang kaniyang adiksyon sa sigarilyo. 

Kalauna’y napalitan daw ito ng vape products na may kemikal na mas nakasisira pa sa katawan ng tao. 

“Noong una, na-promote ‘yang vape as a way to get away from cigarette, para mahinto mo ‘yong addiction mo sa cigarette, madi-decrease mo ‘yon nicotine content, eventually, hindi na,” ani Herbosa. 

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

“Pero napalitan nila ng ibang produkto na apparently, mas masama pa. So, ‘yong sabi nila noong una, hanggang ngayon, mina-market na vaping is ‘less harmful than cigarette smoking.’ ‘Less harmful’ is still harmful,” dagdag pa niya. 

Ibinahagi niya pa na nasa edad 25 o 26 ang unang kaso ng namatay dahil sa vaping sa bansa ay dala ng komplikasyon sa puso. 

“In fact, ‘yong unang namatay niyan sa PGH (Philippine General Hospital), 25, 26 years old, [dahil sa] heart attack. 14 years old siya nag-umpisa,  eh di iligal na ‘yon. Four years before the legal age, nakakapag-vape na siya,” saad ng Kalihim. 

Binanggit niya rito na kinakailangan na ng bansa magpataw ng istriktong implementasyon ng batas hinggil dito o “total ban” para maiwasan ang patuloy na pagdami ng kabataang gumagamit ng vape. 

“Paano nangyayari ‘yon? Kailangan either istritohan natin ‘yong enforcement no’ng batas na pinasa natin o baka mas madali mag-total ban na lang tayo para wala nang mabili ‘tong kabataan,” panukala ni Herbosa. 

Sa nasabi ring panayam, binanggit ng Kalihim ang pagkakaroon ng plain packaging ng mga pakete ng sigarilyo sa layong hindi na ma-enganyo bumili nito ang mga Pilipino. 

“Ang pinasa natin sa batas, graphic warning label. So pag nag-label ng sigarilyo, kailangan may graphic pictures lang na may cancer, puso, at ugat na nabara,” ani Herbosa. 

“Tingin ko wala nang effect. So, we need to follow what other countries did. Sa Australia at New Zealand nag-pass sila ng batas [na] plain paper packaging, brown paper lang ang pakete no’ng ano [sigarilyo]. Hindi na e-entice ‘yong mga maninigarilyo bumili no’n, ‘yong adik lang talaga [sa sigarilyo],” dagdag pa niya. 

Tinitiyak ni Herbosa na sa mungkahi niyang “total ban” ng vape at “plain paper packaging” ng mga sigarilyo, mas liliit ang gastos ng pamahalaan sa public health problems tulad ng lung cancer, heart disease, at iba pang sakit na dala ng paninigarilyo at vaping. 

“Tayo rin gumagastos doon. Taxes din natin ang pinambabayad para gamutin ‘yong mga adik sa nikotina,” saad ng Kalihim. 

Sa pagtatapos ng kaniyang panayam, pinaalala ni Herbosa na walang magandang dulot ang paninigarilyo and pagva-vape at nagdudulot lamang ito ng maraming komplikasyon sa pangangatawan. 

“Wala po talagang madudulot na maganda [ang paninigarilyo at vaping]. Kaya nagkaroon tayo ng framework convention on tobacco control. Ito ang kauna-unahang health treaty sa buong mundo na sinasabi [na] ang paninigarilyo ay masama sa kalusugan,” paalala ng Kalihim. 

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mas ‘safe’ ba ang vape kaysa sigarilyo?

Sean Antonio/BALITA