Isiniwalat ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na huli nilang na-track si Cassandra Ong—isa sa mga personalidad na nauugnay sa ilegal na operasyon noon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO)—sa bansang Japan.
Ayon sa mga ulat, sinabi ni PAOCC spokesperson Winston Casio na huli nilang na-track sa Japan si Ong noon pang Enero.
"'Yon ang last namin nakuha na Japan," ani Casio sa isang forum nitong Sabado, Nobyembre 22. "After that we have no more idea where she went."
“I am pretty certain it was the first quarter of this year kasi lumabas ang kaniyang warrant basta March or May. First quarter ang last namin na-track," dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Casio na may Interpok red notice na para kay Ong.
Matatandaang nitong Biyernes, Nobyembre 21, sinabi ni Sen. Win Gatchalian sa pagdinig ng Senado sa budget ng Department of Justice (DOJ) na matagal nang hindi nakakulong si Ong.
"Ngayon si Cassandra Li Ong naka-release po siya, so hindi siya [nakakulong]," ani Gatchalian.
Maki-Balita: ‘At large na!’ Cassandra Ong, kumpirmadong wala na sa kulungan!—Sen. Gatchalian
Samantala, hinatulan ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 167 na guilty sa kasong Qualified Trafficking in Persons si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo—kilala rin bilang Guo Hua Ping—kaugnay ng umano’y pagkakasangkot niya sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa Baofu Compound.
Maki-Balita: 'Kulong habambuhay!' Alice Guo, iba pa, guilty sa kasong qualified human trafficking