Usap-usapan ng mga netizen ang pinakawalang makahulugang pahayag ni Miss Universe 2005 Natalie Glebova matapos magsilbing judge sa 74th Miss Universe na ginanap nitong Biyernes, Nobyembre 21, kung saan kinoronahan si Miss Mexico Fátima Bosch bilang bagong Miss Universe 2025.
Sa isang Instagram post na tila may laman at may bahid ng pagkadismaya, diretsahang tinawag ni Glebova na “my winner” si Miss Thailand Praveenar Singh, na hindi itinanghal title holder ng nabanggit na pageant, kundi first runner-up.
"As a judge this year I can only speak for myself when I cast my votes. Please remember that each person has their own opinion and not one single person can influence the result," ani Glebova.
Sinariwa pa ni Glebova ang mga naunang proseso ng pageant kung saan may auditor na nagfa-final check muna sa naging final tally ng judges' score, bago ihayag ang resulta.
"However, this must be said…when I competed in 2005 and years prior, I recall there was always an auditor that came on stage with sealed results from accounting firm. I’d like to bring that back please," aniya.
Makahulugan pa niyang hirit, "Until then I don’t think I will be participating as a judge again."
Dahil dito, lalo tuloy nag-init ang mga espekulasyon ng mga netizen na tila may nangyaring iregularidad sa resulta ng Miss Universe 2025.
Nag-ugat pa ito sa naging pasabog ng nag-resign na judge na si Lebanese-French musician Omar Harfouch na umano'y "rigged" ang resulta ng pageant, at tinawag pang "fake winner" si Miss Mexico.
Maki-Balita: ‘Alam na agad sino panalo?’ Resigned MU 2025 judge, binansagang ‘fake winner’ si Miss Mexico
Samantala, wala pang direktang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ng Miss Universe Organization sa naging pahayag ni Glebova.