December 12, 2025

Home BALITA National

'Huwag nang patagalin pa!' PBBM, pinabibilisan na pag-aresto kina Co, atbp.

'Huwag nang patagalin pa!' PBBM, pinabibilisan na pag-aresto kina Co, atbp.
Photo courtesy: Bongbong Marcos (FB), BALITA FILE PHOTO

Muling naglabas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ng isang video statement kaugnay sa mga kasong isinampa kita dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co at 17 iba pang mga indibidwal.

Ayon sa videong ibinahagi ng Pangulo sa kaniyang Facebook post nitong Biyernes, Nobyembre 21, ipinagpatuloy niya ang report sa mga kasong gumugulong laban sa mga nasabing indibidwal kaugnay sa maanomalyang flood-control projects.

“Ito po ay isa pang report na aking ginagawa upang malaman ng taumbayan kung ano na ang nangyayari tungkol sa mga flood-control na kaso na naging iskandalo[...]” pagsisimula niya.

Anang Pangulo, nakapagsampa na raw ng kaso ang Office of the Ombudsman laban kina Co at 17 pang mga indibidwal na hindi na niya binanggit ang pangalan.

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

“Nais kong i-report na ang Ombudsman, pormal nang naghain ng kaso laban kina Zaldy Co at iba pang labingpitong indibidwal batay sa mga ebidensyang inakyat ng ICI at ng DPWH,” aniya.

“Hindi po ito haka-haka, hindi po ito kuwento, ito po ay tunay na ebidensya,” giit pa niya.

Nagawa pang ipakita ng pangulo sa video ang kopya ng listahan ng mga nasabing indibidwal matapos niyang hindi ito isa-isahin.

Photo courtesy: Bongbong Marcos (FB)

Photo courtesy: Bongbong Marcos (FB)

Pagpapatuloy pa ni PBBM, tiyak daw niyang ipapatupad na ng mga awtoridad ang warrant of arrest laban sa mga indibidwal na nasampahan ng kaso ng Ombudsman.

“Ang susunod na hakbang, wala nang paligoy-ligoy pa, ang ating mga awtoridad ay syempre ipapatupad na nila itong mga arrest warrant na ito,” saad niya.

“Aarestuhan na sila, ihaharap sa Korte, at pananagutin sa batas. Walang special na pagtrato, walang sinasanto,” pagdidiin pa ng Pangulo.

Nangako naman si PBBM sa taumbayan na tatapusin niya ang problemang kinakaharap ngayon ng bansa kaugnay sa maanomalyang flood-control projects.

“Ako ang nagsimula nitong lahat, ako ang magtatapos. Kaya asahan po niyo na walang tigil itong aming ginagawa kahit na parang napakatagal… ako’y nagpapasalamat sa pasensya ng ating mga kababayan,” pagdispensa niya.

“Nagbunga na ng resulta ang mga pasensya ninyo,” pagtatapos pa niya.

MAKI-BALITA: PBBM, pakakasuhan na sa Ombudsman sina Romualdez, Co?

MAKI-BALITA: Konsensya ni Romualdez, malinis pa rin; ipinagkatiwala na kaso sa Ombudsman

MAKI-BALITA: DPWH, ICI nagrekomendang kasuhan ng graft, plunder, indirect bribery sina Romualdez, Co

Mc Vincent Mirabuna/Balita