December 13, 2025

Home BALITA National

Guilty verdict kay Guo, patunay na seryoso PH laban sa human trafficking—Sen. Gatchalian

Guilty verdict kay Guo, patunay na seryoso PH laban sa human trafficking—Sen. Gatchalian
Photo courtesy: Senator Win Gatchalian/FB, Balita file photo


Nanindigan si Sen. Win Gatchalian na ang hatol na “guilty” sa dating dismissed Bamban City, Tarlac Mayor na si Guo Hua Ping, o mas kilala bilang si Alice Guo, ay isang patunay sa sinseridad ng Pilipinas na labanan ang isyu ng human trafficking sa bansa.

Kaugnay ito sa hatol na “guilty” ng Pasig City Regional Trial Court (Pasig RTC) Branch 167 kay Guo sa kasong Qualified Trafficking in Persons matapos mapatunayan ng Korte ang kaniyang pagkakasangkot sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa bansa.

MAKI-BALITA: 'Kulong habambuhay!' Alice Guo, iba pa, guilty sa kasong qualified human trafficking-Balita

Sa panayam ng DZMM Teleradyo kay Gatchalian nitong Biyernes, Nobyembre 21, nilinaw niya ring isa ang kaso ni Guo sa mga pinakamahigpit pagdating sa batas.

“Ito ay patunay na ang ating bansa ay seryoso pagdating sa human trafficking. Ang human trafficking kasi sa ating bansa pagdating sa batas [ay] isa sa pinakamahigpit sa buong mundo. Talagang kulong ka at non-bailable,” panimula ni Gatchalian.

“So ito ipinapakita natin sa buong mundo na seryoso tayo sa human trafficking at talagang makikita rin natin na binigyan ng malaking pahalaga ng korte ‘yong papel ni Guo Hua Ping, a.k.a Alice Guo na siya talaga ‘yong mayroong koneksyon dito sa mga scamming at human trafficking activities,” pagpapatuloy niya.

Kinumpirma ni Gatchalian na isang RTC sa Tarlac ang nag-revoke na ng birth certificate ni Alice Guo, kaugnay sa kuwestiyonable niyang nasyonalidad.

Ito rin daw ay inaapelahan na ng kampo ni Guo, at tiyak din siyang pati ang hatol hinggil sa human trafficking ay iaapela nito.

Sinabi rin ng senador na dito bubunuin ni Alice Guo ang life imprisonment dulot ng kanyang guilty verdict sa human trafficking.

“Dito niya ise-serve ‘yan[g life imprisonment] hanggang matapos. Pero ‘yon na nga, non-bailable ito, kahit na ina-appeal niya, nakakulong pa rin siya,” aniya.

“Kailangang i-serve niya muna rito at assuming na na-serve niya na, well life imprisonment ‘yan pero I’m sure mayroon ‘yan ‘yong tinatawag nating good conducting time allowance, siguro iiksi ‘yan nang kaunti kung maganda ‘yong ipinapakita niya,” saad pa ni Gatchalian. “Kung assuming na buhay pa siya that time, ibabalik siya sa China.”

Isiniwalat din ni Gatchalian na marami pa umanong pending cases si Guo.

“Marami, marami. Mayroon pang money laundering, mayroon pang[...] alam ko may graft and corruption pa, marami siyang kaso pang dapat sagutin—pero ito ‘yong pinakamabigat, ‘yong human trafficking,” pagtatapos niya.

Matatandaang nagpaabot naman ng pasasalamat si Sen. Risa Hontiveros matapos hatulang guilty si Alice Guo.

“Maraming salamat sa mga biktima, witnesses, at whistleblowers naglakas loob tumestigo sa Senado. Our deepest gratitude to our prosecutors at the DOJ who brought this case to justice. Sa ating mga law enforcers na hindi nagsawang mag-imbestiga, mag-raid, at mag-rescue, maraming salamat sa inyo. To the Filipino public, maraming salamat sa inyong maiging pagsubaybay at pagbabantay,” saad ni Hontiveros.

MAKI-BALITA: 'Justice has been served!' Sen. Risa, nagpasalamat matapos hatulang 'guilty' si Alice Guo-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA