December 13, 2025

Home FEATURES Trending

#BalitaExclusives: Aspin nakabalik sa fur parent niya 2 weeks after mawala dahil kay ‘Tino’

#BalitaExclusives: Aspin nakabalik sa fur parent niya 2 weeks after mawala dahil kay ‘Tino’
Photo courtesy: Emmanuel Llenos (FB)

Muling nakauwi ang isang Aspin (Asong Pinoy) mula sa Cebu City, dalawang linggo matapos mawalay sa fur parent niya sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Tino. 

Sa kasalukuyang viral post ng netizen at fur parent na si Emmanuel Llenos, ibinahagi niya na umabot ng 10 araw ang paghahanap kay Haven sa subdivision nila matapos ang bagyo. 

“We were looking for her for 5 days sa sod sa Villa Del Rio and even mga nag clean sa balay reached 10 days wlaa gyud cla kita ni Haven not until last Nov 17 nibalik c Haven and naghuwat na mobalik mis balay….” (“Hinanap namin siya sa loob ng 5 araw, sa kapitbahayan ng Villa Del Rio at kahit ang mga naglinis ng bahay, umabot ng 10 araw ngunit hindi na nakita si Haven hanggang noong Nobyembre 17, bumalik si Haven at naghihintay sa bahay”), saad ni Llenos. 

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Llenos, ibinahagi niya na naanod ng mataas si Haven sa kasagsagan ng malakas na ulan at pagbaha bunsod ng bagyong Tino noong Nobyembre 4. 

Trending

KILALANIN: Ang pumanaw na PBA Legend na si Jimmy Mariano

“Noong November 4 po, noong nagbagyo, kasi malakas na ‘yong ulan, bumaha na, actually ‘yong baha, hanggang sa roof na. Naanod si Haven, our other dogs miraculously survived inside our house kasi nakapatong sila sa double deck namin,” saad ni Llenos.

Bagama’t kinailangan nilang lumikas dahil sa mga danyos na tinamo ng bahay nila sa bagyong Tino, mula Nobyembre 4 hanggang 9, umikot pa rin ang pamilya ni Llenos sa subdivision nila para hanapin si Haven. 

Tumulong din sa nasabing paghahanap ang mga naglinis ng bahay nila sa sumunod pang 10 araw. 

“From November 4, 8, to 9, hinanap namin ng mga anak ko, at asawa ko, si Haven, sa loob ng subdivision pero hindi namin nakita. Sabi ko sa kanila, unti-unti na nating tanggapin na baka wala na si Haven,” ani Llenos.

“Tsaka may mga tumulong sa amin naglinis, sabi ko ‘hanggang 10 days pa kayo dito [sa bahay], i-check niyo, hanapin niyo if nandito si Haven.’ Umabot ng 10 days, hindi nila nakita si Haven,” dagdag pa niya. 

Nagawa na rin daw nilang mag-post sa social media sa pag-asang may makahanap kay Haven. 

Noong una raw ay wala silang balita tungkol sa aso, hanggang sa may netizen na nagkomento, na nakita raw nito si Haven sa Hidden View Subdivision, na 5 hanggang 10 minuto ang layo sa subdivision nila na Villa Del Rio. 

“Hindi pa nakakalabas ng subdivision ‘yan si Haven, ever since puppy siya, sa loob lang siya ng subdivision,” aniya. 

Nang bumalik si Llenos sa bahay nila dahil sa interview na ginawa niya sa isang media network, dito na niya nakita si Haven na nakaupo sa tapat ng bahay nila. 

“Noong bumalik ako sa bahay kasi may nag-interview din. Hindi ko talaga in-expect na makita ko siya, nakaupo doon sa bamboo chair. ‘Yon talaga ang favorite niyang chair,” hindi makapaniwalang saad ni Llenos. 

“Nilapitan ko ‘yong aso, tumakbo pa siya, nagtago. Tinawag ko siya, ‘Haven!’ Parang na-ano siya, nakilala niya ako. She was so happy, grabe ‘yong happiness niya. Ayon po, siya ‘yong kusang bumalik sa amin,” dagdag pa niya. 

Dahil nga raw iyon ang unang beses na nakalabas ng Villa Del Rio si Haven at sa tagal niyang nawala, ipinagtataka ni Llenos saan ito nakakuha ng pagkain, tubig, at silungan. 

“Water, food, saan siya pumunta, wala kaming idea, but Haven is so healthy and safe. And we’re just so glad na reunited na kaming lahat dahil noong nawala si Haven, iyak ng iyak ‘yong mga anak ko. Kaya hindi kami nag-give up. Bumalik siya after 13 days,” saad ni Llenos. 

Sean Antonio/BALITA