December 14, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Tuesday Vargas sa nangyari kay Ivan Ronquillo: 'Huwag magpakalat ng mga 'di totoong bagay!'

Tuesday Vargas sa nangyari kay Ivan Ronquillo: 'Huwag magpakalat ng mga 'di totoong bagay!'
Photo courtesy: Tuesday Vargas, Ivan Cesar Ronquillo (FB)

Nagpahayag ng matinding dalamhati at pagkabahala ang komedyante at TV host na si Tuesday Vargas kaugnay ng pagkamatay nina Gina Lima at Ivan Cesar Ronquillo, na naging laman ng intriga sa social media dahil sa mga kumalat na impormasyon at espekulasyon hinggil sa kanilang pagpanaw.

Maki-Balita: Ex-BF ng pumanaw na VMX actress na nagdala sa kaniya sa ospital, natagpuang patay!

Ayon sa Facebook post ni Tuesday na aminadong dumaan din sa mental health issues kamakailan, bilang isang magulang na may anak na kaedad ng dalawa, hindi niya maiwasang mangamba sa patuloy na pagtaas ng pressure at panganib na kinahaharap ng kabataan sa panahon ngayon.

“Kahit mahalin at arugain natin ang ating mga anak, ang lipunan na malupit paglabas nila ng ating tahanan ang siyang literal na papatay sa kanila,” mariing pahayag ni Tuesday sa kaniyang social media post.

Tsika at Intriga

'Mapapasubo?' Doris Bigornia, kakayanin 8 MMFF movies basta ka-date si Atom Araullo

Nanawagan din siya sa publiko na huwag magpakalat ng maling impormasyon, lalo na kung hindi naman na-fact check o na-verify at naglalaman pa ng mapang-akusang pahayag laban sa mga nasawi.

Aniya, hindi lamang ito nakasasakit sa mga pamilya, kundi nakadaragdag din sa bigat ng sitwasyon.

“Utang na loob po, huwag magpakalat ng hindi totoong mga bagay lalo na kung lubha itong mapang-akusa sa mga nabanggit,” giit ni Tuesday.

“Hindi sila mahina — mabigat ang mundo nila”

Pinagtanggol din ng komedyante ang kabataan ngayon laban sa pananaw na sila’y “marurupok” o “agad sumusuko" kapag may kinahaharap na problema.

Para kay Tuesday, mas mabigat ang dinadala ng kabataan sa panahon ng social media, kung saan bawat kilos nila ay agad nakikita at hinuhusgahan ng milyon-milyong tao.

“Hindi yun normal, hindi madaling lunukin. Huwag natin silang sabihan na marupok o bumibigay agad. Hindi biro ang matatalim na salita ng ibang netizens,” dagdag niya.

Binatikos din niya ang tinatawag na court of public opinion, kung saan napaparatangan na ang mga biktima kahit hindi pa natutukoy ang tunay na dahilan ng kanilang pagkamatay.

“Hindi pa man napapatunayan, eh sa court of public opinion ay para n’yo na silang hinatulan,” aniya.

Nag-iwan ng mensaheng puno ng pag-asa si Tuesday, at hiniling sa publiko na piliin ang kabutihan sa halip na panghuhusga.

“If you can be anything in this world, be kind,” paalala niya.

Nagpaabot rin siya ng pakikiramay sa mga naulilang pamilya ng dalawa.

“My sincere condolences to the families of Gina and Ivan. May your souls find eternal rest.”

Photo courtesy: Screenshot from Tuesday Vargas/FB

Samantala, nagsabi na rin ang social media personality na si Valentine Rosales na hindi na muna siya magiging aktibo sa social media, matapos kuyugin ng netizens dahil kay Ronquillo.

Isa sa mga personalidad na sumita kay Ronquillo kaugnay sa pagkamatay ni Lima ay si Rosales.

Pero nang lumabas na ang autopsy report ng Quezon City Police District, lumalabas na hindi namatay si Lima sa pambubugbog; at ang pasang nakita sa hita niya, dulot ng pagkakabuhat sa kaniya patungong ospital.

Maki-Balita: VMX actress Gina Lima, ‘di namatay sa bugbog—QCPD

Agad na humingi ng paumanhin si Valentine sa kaniyang naging posts laban kay Ronquillo, at nagsabing magiging inactive muna siya sa social media ayon na rin sa payo ng kaniyang psychiatrist.

Maki-Balita: Payo ng psychiatrist! Valentine babu muna sa socmed, nag-sorry na 'di nakapag-fact check