Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga driver at operator ng public utility vehicles (PUVs) na mahigpit na sundin ang batas na nagbibigay ng 20% fare discount sa mga estudyante, kahit pa weekend, holiday, o may suspensyon ng klase.
Ang paalala ay inilabas sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Z. Lopez, matapos makatanggap ang ahensya ng mga reklamo na may ilang pampublikong transportasyon umano na hindi nagbibigay ng diskwento tuwing long weekend at panahon ng class suspension.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, malinaw ang mandato ng Republic Act 11314, o ang “Act Institutionalizing the Grant of Student Fare Discount Privileges on Public Transportation.”
Batay sa Section 4 ng batas, “The fare discount… shall be available during the entire period while the student is enrolled, including weekends and holidays.”
“The law is very clear about this. There must be a discount to students even during holidays for as long as they are enrolled,” ani Mendoza, kasabay ng pagsabing bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyaking protektado ang kapakanan ng mga estudyante.
Dagdag pa ng opisyal: “So we are reminding the operators and drivers again to strictly follow the law. Kung wala man kayong anak o kamag-anak na estudyante, lahat tayo dumaan sa buhay-estudyante.”
Nagbabala rin si Mendoza na hindi siya magdadalawang-isip na arestuhin ang mga lumalabag.
“Kaya umayos kayo dahil kung hindi, ako mismo ang aayos ng mga kaso laban sa inyo para hindi lang kayo magmulta kung hindi mawalan kayo ng prangkisa,” aniya.
Sa ilalim ng batas, maaaring masuspinde ng hanggang tatlong buwan ang lisensya ng PUV driver at pagmultahin ng ₱1,000 bawat paglabag. Ang operator naman ay maaaring pagmultahin ng hanggang ₱15,000 at ma-revoke ang kanilang Certificate of Public Convenience.
Hinimok din ni Mendoza ang mga estudyante na magsampa ng reklamo sa LTFRB sa pamamagitan ng hotline 0956-761-0739 o sa mga social media account ng ahensya.
“All you have to do is to properly document it and we will take care of the rest,” aniya.
Ipinanawagan din niya na magsumbong ang iba pang may karapatang tumanggap ng fare discount tulad ng senior citizens at persons with disabilities.