Kinilala bilang “Joint Protector of Play” ang isang Pinay nurse sa Healthcare Awards sa London, United Kingdom kamakailan dahil sa puso niya para sa mga batang pasyente.
Si Raquel Duncombe ay isang Anaesthetic Nurse sa Princess Royal University Hospital (PRUH), na pinarangalan dahil sa paggamit niya ng mga laruan para maibsan ang takot ng mga batang pasyente na sumasailalim sa emergency surgeries.
Sa lathala ng National Health Service (NHS)-King’s College Hospital, binanggit na isang “playful approach” ang paggamit ni Duncombe ng “Starlight Distraction Box” para pakalmahin ang mga batang sumasailalim sa mga operasyon tulad ng appendectomies, bone fractures o lumbar punctures.
“It is surreal – it’s my first ever award. I’ve just been doing what I can to help our department and make things better for the children,” saad ni Duncombe sa lathala ng NHS.
Ibinahagi rin dito ni Duncombe na bilang nurse, nakikisimpatya sa takot na nararamdaman ng mga bata tuwing nakikita silang healthcare workers.
Naniniwala siya na kung maiibsan ang takot ng bata, mas magiging madali ang proseso ng operasyon hindi lang para dito, kung hindi para na rin sa healthcare workers na magsasagawa nito.
“It’s scary for children to come to us: everyone is rushing around and focused on their role. If a child is upset and crying, there’s more risk – it can make the airway harder to manage. But when the child is happy, everything runs more smoothly,” ani Duncombe.
Ayon naman sa panayam ni Duncombe sa BBC (British Broadcasting Corporation) London, binanggit niya na bilang Pinay, maituturing niya itong pride hindi lang para sa sarili, kung hindi para na rin sa bansa.
“For a Filipino who is working for a long time here in the UK, it’s pride for us, as well, to have served this country, too, through the little ways,” masayang saad ni Duncombe.
Ayon naman sa CEO (Chief Executive Officer) ng Starlight Children’s Foundation sa UK, layon din ng “Protector of Play Award” na kilalanin ang sipag, tiyaga, at sakripisyo ng healthcare workers.
Sa kaugnay na ulat, ang “Starlight Distraction Boxes” ay naglalaman ng mga laruan, games, at puzzles na puwedeng gamitin ng mga espesyalista at nurse para matulungang ma-distract ang mga batang pasyente habang sumasailalim ito sa iba’t ibang medical procedure tulad ng pagkuha ng dugo at mga operasyon.
Sean Antonio/BALITA