December 13, 2025

Home BALITA National

Pangulo dapat ang humaharap sa publiko sa gitna ng krisis, hindi ang spox—eksperto

Pangulo dapat ang humaharap sa publiko sa gitna ng krisis, hindi ang spox—eksperto
Photo courtesy: RTVM/YT


Naniniwala ang isang eksperto na sa krisis na kinahaharap ng bansa sa kasalukuyan, Pangulo na dapat ang humarap sa publiko, hindi ang kaniyang spokesperson.

Kaugnay ito sa mga batikos na kinahaharap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro ang tila madalas na tumutugon.

KAUGNAY NA BALITA: Usec. Castro kay VP Sara: 'Huwag magmalinis ang hindi malinis'-Balita

KAUGNAY NA BALITA: Bakit may 2024?' Usec. Castro, binakbakan mga maletang ibinalandra ni Zaldy Co-Balita

Sa panayam ng DZMM Teleradyo kay Ron Jabal, pangulo ng Reputation Management Association of the Philippines nitong Huwebes, Nobyembre 20, iginiit niyang isang paraan para mapanatili ang reputasyon, boses ng Presidente dapat ang naririnig ng taumbayan.

“Madugong-madugo ang hinaharap ng Presidente ngayon. In fact, dapat siguro all hands on deck dapat ang lahat ng tao sa gobyerno dahil sa hindi puwedeng magkamali. In fact, nakikita natin ngayon paunti-unti, maraming pagkakamali ang nangyayari,” panimula ni Jabal.

“Sa isang reputasyon, dapat iisa lang ang boses na nagsasalita; at sa isang krisis, sinasabi nga namin may peace time at may war time, sa peace time po, ok lang ang spokesperson. Pero sa isang krisis, to be able to manage the reputation, ultimately the box stops to the President. So, ang lagi naming ina-advice sa ganito ay kung ganito na kalala, siguro that should be one and strongest voice and that should be the President,” saad pa niya.

Nanindigan din siyang “required” na ang isang “presidential address” para sa kasalukuyang sitwasyon ng Pilipinas.

“Sa isang malalang krisis, you don’t delegate communication. It’s up to you already to be able to calm kasi lahat impacted na, e. Mayroon tayong tinatawag na institutional crisis, may isyu ng kredibilidad. May sinasabi, delicadeza, tapos hindi pala. People are now increasing their mistrust, mahirap ‘yon," anang eksperto.

"Hindi lang ito, may political crisis, may mga nagsasabing kung ano-ano tungkol sa personal [na buhay]. At the end of the day, more than confidence crisis, it’s already almost down to government crisis. Kapag ganito na kalala, one cannot delegate the communication through a spokesperson. On a peace time, on a regular time, okay lang ‘yon e, ‘di ba? But once and for all, it requires now a presidential address, dapat ganoon," pagtatapos niya.

Matatandaang sunod-sunod ang batikos na hinarap ng administrasyon Marcos Jr. matapos harapin nito ang ilang alegasyon at isyu patungkol sa korapsyon.

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Imee Marcos, nilantad sa INC rally na ‘gumagamit’ diumano ng droga si PBBM-Balita

KAUGNAY NA BALITA: ‘Inciting to sedition?’ DILG Sec. Remulla, paiimbestigahan panawagang ‘Marcos Resign’-Balita

Isang analyst naman kamakailan ang nagsabing kaya raw tapusin ni PBBM ang kaniyang termino sa gitna ng mga alegasyon at isyung kinahaharap nito.

MAKI-BALITA: PBBM, kaya raw tapusin termino sa gitna ng mga isyu, alegasyon—analyst-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA