Mula mismo kay Ombudsman Jesus Crispin "Boying" Remulla ang kumpirmasyong maaaring susunod na makakasuhan na ang mag-asawang kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya, na may kinalaman pa rin sa umano’y maanomalyang flood control projects ng pamahalaan, sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Lumabas ang pahayag matapos maghain ng malversation at dalawang bilang ng graft charges ang Office of the Ombudsman laban sa nagbitiw na si Ako-Bicol party-list Rep. Zaldy Co, ilang opisyal ng DPWH Southern Tagalog, at mga direktor ng Sunwest Corporation.
May kaugnayan ang mga kasong itong sa umano’y substandard na ₱289.5-milyong flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Lumabas ang kaso laban kay Co matapos naman ang paglabas niya ng video statements laban kina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. at Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez, sa alegasyong may kinalaman ang dalawa sa umano'y ₱100 bilyong insertions sa 2025 national budget.
Kaugnay na Balita: 'Walang piyansa!' Zaldy Co, kinasuhan ng Ombudsman dahil sa flood control scam
Ayon kay Remulla, naisumite na umao para sa final resolution ang tatlong kaso laban sa mag-asawang Discaya, bahagi ng kabuuang siyam na Discaya cases na iniimbestigahan ng Ombudsman.
Dagdag pa niya, maaaring sa susunod na linggo maisampa ang unang batch ng mga kaso, depende sa bilis ng paglalabas ng pinal na findings ng kanilang tanggapan.
Samantala, sinabi rin ng Ombudsman na maaaring maglabas ng arrest order ang Sandiganbayan kapag napatunayang may probable cause sa mga reklamong graft at malversation of public funds through falsification of public documents laban sa mga naunang kinasuhan.
Lahat ng ito ay sinasabing bahagi ng mas malawak na imbestigasyon sa umano'y anomalya sa flood control projects na pinondohan ng gobyerno sa ilang lalawigan.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ng mga Discaya tungkol dito.