Pinanghawakan ni dating Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson ang pahayag niya noon tungkol sa posibilidad na mapatalsik si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kung hindi ito magbibitiw sa puwesto.
Ayon sa pahayag ni Singson sa naging pagdalo niya sa Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA), Balitaan sa Harbor View, Ermita, nitong Huwebes, Nobyembre 20, sinabi niyang naniniwala pa rin daw siya na maaaring mapatalsik si PBBM.
“Kung ‘di siya magbibitiw, I’m dead sure, mapapatalsik ‘yan,” panimula ni Singson.
Nagawa ring tukuyin ni Singson ang hukbo ng mga militar.
“Ang mga military, maawa kayo sa mga anak n’yo. Kinabukasan na ng mga kabataan ang ninanakaw,” saad niya.
Binalikan din ni Singson ang sinabi ng “Pambansang Bayani” na si Jose Rizal.
“May nakita ako na hindi ko makalimutan, ang kabataan ang pag-asa ng bayan[...] Mga kabataan, gising po kayo. Lumaban po kayo pero sabay-sabay [at] hindi kaniya-kaniya,” aniya.
“Kapag kayo ang kumilos, susuporta po kami lahat. Kasi ang nagyayari ngayon, kaniya-kaniyang grupo, kaniya-kaniyang ambisyon. Kalimutan na natin mga ambisyon muna, kalimutan na natin [ang] politics,” dagdag pa niya.
Anang dating gobernador, dapat daw na magtuon ang lahat sa kapakanan ng bansa.
“We should concentrate for the sake of the honor of our country. Wala pong mangyayari diyan kung hindi tumulong ang mga military. Kung maawa sila at may gagawin sila, tapos ang boksing,” pagdidiin niya.
Samantala, nilinaw naman ni Singson na gusto lang niya ng “peaceful movement” at hindi ang pagbaliktad o “withdrawal” ng mga militar laban sa Pangulo.
“I want a peaceful movement. Hindi ko sinasabi na mag-withdraw na ang mga military. Kung maawa sila, nasa konsensya na nila ‘yan[...] Kung may konsensya pa sila, sila mag-decide, hindi ako,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang nagbigay na rin si Singson ng pahayag kaugnay sa umano’y posibilidad na mapalayas sa puwesto ang Pangulo noong Nobyembre 11, 2025.
MAKI-BALITA: ‘Galit ang tao!’ Chavit, pinagbibitiw si PBBM para 'di magaya sa magulang
“Ang suggestion ko nga, kung magre-resign si BBM, mas maganda. Para hindi na siya paalisin ng tao kagaya ng nangyari sa mga parents niya,” saad ni Singson sa panayam ng One PH sa kaniya.
“Mas maganda, mas honorable kung mag-resign. Galit ang tao, e. Sa sobrang galit niyan, hindi natin alam ang mangyayari,” pagtatapos pa ni Singson.
MAKI-BALITA: ‘’Wag na tayo paloko ulit!’ Chavit, nabudol daw ni PBBM noon
MAKI-BALITA: 'Weak leader!' Chavit, idiniing si PBBM umano ugat ng mga korapsyon sa bansa
Mc Vincent Mirabuna/Balita