Kinaaliwan ng mga netizen ang naging sagot ni Kapamilya comedian-TV host Melai Cantiveros-Francisco kung sakaling maging presidente siya ng Pilipinas.
Sa isang media conference, natanong si Melai kung anong gagawin niya sa corrupt officials kung sakaling maging pangulo siya ng bansa.
Ayon kay Melai, hindi na siya magpapatumpik-tumpik pa, na kapag nasangkot agad ang isang opisyal ng pamahalaan sa korapsyon, agad itong isasailalim sa imbestigasyon at hindi na patatagalin pa.
Kapag napatunayan daw agad ng mga ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Justice (DOJ) na mag-iimbestiga na guilty sila, kulong na agad!
"Bakit pa natin patagalin?" giit ni Melai.
Bukod pa rito, ipagbabawal din ni Melai ang political dynasty para mabigyan ng pagkakataon ang iba na maipamalas ang pagpapatakbo sa bansa.
Pagkatapos, papipirmahan daw ang mga opisyal na kapag nagkaroon sila ng problema sa pamamahala, hindi na sila puwedeng tumakbo ulit, o kaya naman, kulong agad. Hindi na raw kailangan pang pagpasa-pasahan ang kung ano-anong mga papeles.
"DOJ... problema? Kulong!"
"Para wala nang gagawa ng kabulukan at kabulastugan..." ayon pa kay Melai.
"Matakot talaga tayo sa batas, ngayon wala nang natatakot sa batas..." giit pa ng comedian-TV host.
Sa dulo ay pinalakpakan ng mga miyembro ng media si Melai at isinigaw ang "President Melai!"