December 13, 2025

Home SHOWBIZ

Daryl Ong sa mga kurakot: 'Inaantay lang nilang mapagod at magsawa tayo!'

Daryl Ong sa mga kurakot: 'Inaantay lang nilang mapagod at magsawa tayo!'
Photo courtesy: Daryl Ong/FB


Diretsa ang mga patutsada ng singer-songwriter na si Daryl Ong hinggil sa mga kurakot sa bansa na umano’y hinihintay na lamang na magsawa at mapagod ang mga tao sa kanilang ginagawa.

Sa ibinahaging Facebook post ni Daryl noong Miyerkules, Nobyembre 19, sinabi niya ring maraming pinaghahawakang alas ang mga naturang kurakot.

“[‘Yo]ng sisihan, [‘yo]ng bangayan, [‘yo]ng bilis natin makalimot sa mga nasalanta at sa totoong issue, [‘y]an ang alas na pinanghahawakan [ng] mga kurakot na obvious naman nang guilty,” saad ni Daryl sa kaniyang post.

“Inaantay lang nilang mapagod at magsawa tayo sa pakikipag talo sa isa’t isa at kasabay non ang malimutan na nating habulin ang hustisyang dapat ihatol sa kanila. Chillax lang sila habang tayo nagkakawatak watak,” aniya pa.

Photo courtesy: Daryl Ong/FB

Sa hiwalay na Facebook post, binira naman ng mang-aawit ang komento ng isang netizen hinggil sa kaniyang political stand, kung saan kinuwestiyon niya kung ito ba ang tamang kaisipan hinggil sa mga pangyayari sa kasalukuyan.

“Hindi kami makikiisa sa inyo Daryl you voted for them then deal with it mas pinili nyo ang mga corrupt kesa sa may malinis na kalooban tulad ni maam Leni asan kayo ngayon? Nagkakagulo,” komento ng netizen.

“Na para bang wala tayo sa isang bangka, at kung lulubog ang bangka ay hindi kayo kasama sa paglubog? Yan ba ang tamang mindset? Na sige, kayo nag pwesto jan, ngayon na sinusubukan niyong solusyonan ang pagkakamali, dito lang kami manunuod sa inyo hindi kami makikiisa sa paglaban sa corruption at sabay sabay tayo lahat lulubog. Yan ba ang tamang kaisipan?” sagot naman ni Daryl.

Photo courtesy: Daryl Ong/FB

Matatandaang sinuportahan ni Daryl ang UniTeam noong 2022 Presidential Elections, kung saan galing sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Pangalawang Pangulong Sara Duterte.

KAUGNAY NA BALITA: Grand rally ng UniTeam sa Cebu, halimbawa ng tunay na pagkakaisa – Daryl Ong-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA