December 13, 2025

Home FEATURES

ALAMIN: Mga paraan kung paano i-heal ang iyong 'inner child'

ALAMIN: Mga paraan kung paano i-heal ang iyong 'inner child'
Photo courtesy: Unsplash


Walang perpektong pagkabata, at tiyak hindi ito lingid sa kaalaman ng lahat. Karamihan ay siguradong nakaranas ng mga sitwasyong hindi nila gusto o pinili, pero nanatiling matatag upang makapagpatuloy.

Pero sa paglipas ng panahon, hindi maiiwasang ang ilang personal na kagustuhang hindi natamo noong pagkabata, ay siyang hinahanap-hanap pa rin ngayon, kahit ito ay nakalipas na.

Tuwing Nobyembre 20, ginugunita ang “World Children’s Day,” kaya kahit hindi ka na parte ng henerasyong ito, ang selebrasyong ito ay para sa “inner child” mo.

Ano ba ang kahulugan ng “inner child?”

Ayon kay Dr. Charity Godfrey, isang therapist at ang founder ng Lifescape Integrative Theraphy in Ft Myers, Florida, ang “inner child work” ay isang proseso kung saan hinahayaan mo ang iyong sarili upang ire-parent ang “kabataang” nasa loob mo, na madalas ay nakaranas ng hindi magagandang bagay.

Tinuturuan ka nito na i-nurture o pagalingin ang isang sugat ng iyong pagkabata na hanggang ngayon ay hindi pa rin nalulunasan.

Human-Interest

#BalitaExclusives: Anak na nilibre mga magulang niya sa abroad, hinangaan ng netizens



Mga paraan kung paano pagalingin ang iyong “inner child”

1. Kilalanin ang iyong “inner child”

Dapat na makilala mo ang iyong inner child, upang malaman mo kung ano ang ninanais nito.

Ayon kay Pedersen at Smith ng PsychCentral, ito ay parte ng iyong “subconscious mind” na nakaranas at patuloy na naalala ang iyong pagkabata, mabuti man ito o hindi.

Sa paraang ito, mas malalaman mo kaagad kung ano ang dapat na maging aksyon upang mapagaling ang iyong inner child.

2. Mahigpit na yakap para sa sarili araw-araw

Ayon sa PsychCentral, ang isang “supportive physical touch” ay makatutulong upang pagaangin at pagalingin ang iyong inner child.

Sa pagyakap sa sarili, mararamdaman ng iyong inner child ang “comfort,” na maaaring matagal na nito gustong makuha simula pagkabata.

3. Balikan ang masasayang alaala noong kabataan

Ayon sa pag-aaral, ang pagbabaliktanaw sa mga masasayang alaala noong kabataan ay nagbibigay ng “sense of security” at “happiness” sa isang tao.

Dahil nabigyan ka na nito ng masayang pakiramdam sa nakaraan, tiyak pareho rin ang magiging epekto nito sa kasalukuyan.

4. Pagbibigay ng positibong komento at pananaw sa sarili

Ang ilan sa mga negatibong ideya at pananaw sa kasalukuyan ay isang resulta ng hindi magandang kaganapan sa pagkabata.

Kaysa mamuhay sa mga ito, makatutulong sa iyong inner child na ikaw ay humarap sa salamin, at tingnang maigi ang iyong repleksyon.

Basagin ang mga negatibong pananaw at simulang palitan ito ng mga positibong komento na magpapaigting sa pagmamahal mo sa iyong sarili.

5. Pagkakaroon ng “self-compassion”

Nararapat na magkaroon ang isang tao ng matibay na koneksyon sa sarili nito, kung kaya’t nararapat na ang isang indibidwal ay kayang magpadama ng “compassion” sa kaniyang sarili.

Ayon sa pag-aaral ni Neff, ang gawing ito ay makababawas sa panganib ng anxiety, stress, at depression.Kung hindi kaya ng iba na maging mabuti sa’yo, tiyak ito na ang panahon upang ikaw na ang magbigay nito sa iyong sarili.

6. Patuloy na maging bukas sa panibagong mga aral at impormasyon


Sa paglipas ng panahon, mas mainam na patuloy ang pagkatuto ang isang indibidwal hinggil sa kaniyang sarili.

Mahalaga ang pagkatuto sa pang-araw-araw upang magkaroon ng mas malawak na pang-unawa ang isang tao ukol sa kaniyang buhay at mga karanasan.

Mas maraming kaalaman, tiyak mas maraming paraan upang bigyan ng solusyon ang bawat problema.

Pakatandaan na ito ay ilan lamang sa mga paraan kung paano hihilumin ang “inner child” ng isang tao. Posibleng iba-iba man ang pananaw at paraan, ang mahalaga’y tiyakin at siguraduhin ang kasiyahan ang iyong pagkabata.

Vincent Gutierrez/BALITA