December 13, 2025

Home BALITA Politics

‘Wag na sa Senate!' Bersamin, hindi bet magpaimbestiga sa Senado

‘Wag na sa Senate!' Bersamin, hindi bet magpaimbestiga sa Senado
Photo courtesy: via PCO

Ipinahayag ni dating Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Miyerkules, Nobyembre 19, 2025, na handa siyang humarap sa anumang pormal na imbestigasyon kaugnay ng umano’y insertions sa 2025 national budget—ngunit hindi sa Senado.

“’Wag na sa Senate dahil alam ko roon, there is nothing that I can say there na hindi… If ever they want to charge me as the mastermind, whatever case they want to file… file it,” pahayag ni Bersamin sa isang phone interview kasama ang mga reporter.

Noong Martes, Nobyembre 18, pinangalanan ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang dalawang undersecretary ng pamahalaan na umano’y gumamit ng pangalan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang manghingi ng kickback na hindi bababa sa ₱52 bilyon mula sa mga pinaghihinalaang insertions sa 2025 national budget.

Kinilala ni Lacson ang dalawang opisyal bilang dating Department of Education (DepEd) Undersecretary Trygve Olaivar at Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) Undersecretary Adrian Bersamin.

Politics

'Ninakaw nila ang Pasko!' Sen. Imee, ibinalandra pulang bag na buwaya

Batay kay Lacson, ang impormasyon ay mula kay dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo, na tumukoy din kina dating Public Works Secretary Manny Bonoan at Lucas Bersamin.

“Sinabihan siya ni Usec. Trygve Olaivar na si Secretary Bonoan asked Executive Secretary Bersamin several times. Sino ba magfa-facilitate nitong ₱52 billion? Of course, isasama sa bicam, paano ito ire-release? Sino magfa-facilitate? Ang sagot ni ES Bersamin sa kaniya, ‘We will take care of it.’ Sila na daw bahala,” ayon kay Lacson.

Patuloy ang imbestigasyon ng Senado at iba pang ahensya kaugnay ng sinasabing malakihang anomalya sa pondo para sa mga proyekto sa imprastruktura.

Matatandaang noong Lunes, Nobyembre 17 nang palitan ni dating Finance Sec. Ralph Recto si Bersamin bilang Executive Secretary matapos umanong tanggapin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang resignation nila ni Department of Budget and Management Sec. Amenah Pangandaman. 

Samantala, sa hiwalay na pahayag, nilinaw ni Bersamin na hidni raw siya nag-resign mula sa kaniyang posisyon.

KAUGNAY NA BALITA: 'It has been my great honor!' Ex-ES Lucas Bersamin, nagpasalamat kay PBBM