December 13, 2025

Home BALITA

‘Siya ay biktima!’ Marcoleta, muling nagkomento sa isyu ni Guteza

‘Siya ay biktima!’ Marcoleta, muling nagkomento sa isyu ni Guteza
Photo courtesy: MB File photo

Iginiit ni Senator Rodante Marcoleta nitong Miyerkules, Nobyembre 19, 2025, na biktima si Orly Guteza, ang surprise witness na nag-ugnay kay dating House Speaker Martin Romualdez sa umano’y iregular na flood control projects, at hindi dapat papanagutin sa kwestiyong may kinalaman sa pekeng pirma sa affidavit na inihain niya sa Senado.

Sa interpellation para sa budget ng judiciary, tinanong ni Marcoleta kung makatwiran bang asahan na ang mga nagpapanotaryo ng dokumento ay dapat mismong mag-verify kung ang nagno-notaryo ay isang notarial public.

“Si Guteza ay biktima po rito. Siya po ’yung nabiktima rito,” ani Marcoleta.

“Pero siya ngayon ang kakasuhan ng falsification, ng perjury. Ang tanging kasalanan n’ya ay lumabas lamang at nagpasya para tulungan ang estado hanapin kung sino ang utak ng makawalanghiyang nangyari sa ating bansa,” dagdag pa niya.

Sen. Bato, masayang nakita ang apo

Si Guteza ang naglabas ng pahayag na personal siyang naghatid ng mga maleta ng pera sa mga tirahan ng dating kongresista Zaldy Co at dating Speaker Martin Romualdez.

Noong Oktubre, natuklasan ng Manila Regional Trial Court na ang pirma sa affidavit ni Guteza ay hindi mula sa abogado na nakapangalan sa dokumento.

Ayon sa opisina ni Senator Ping Lacson, inirekomenda ng executive judge ng Manila RTC na isailalim sa preliminary investigation si Guteza at ang mga naghain ng affidavit dahil sa posibleng falsification.

Sinabi pa ni Marcoleta na nalagay sa panganib ang buhay ni Guteza at ng kanyang pamilya dahil sa kanyang testimonya sa Blue Ribbon Committee.

Samantala, sinabi rin ng senador na humiling siya ng tatlong sample mula sa executive judge ng Manila upang maikumpara ang mga dokumento at mapatunayan na hindi si Guteza ang nagpekeng pirma. Tinanong din niya ang plenaryo ng Senado kung nagkaroon ba ng grave abuse of discretion ang hukom nang piliin nito kung alin ang maaaring ibigay na sample sa kanya.

Patuloy ang imbestigasyon sa mga alegasyon na nag-uugnay sa ilang opisyal sa anomalya sa flood control projects.